REVILLA SINAMAHAN SI PBBM SA PAMAMAHAGI NG TULONG SA MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDANG APEKTADO NG OIL SPILL
SINAMAHAN ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pamamahagi ng financial assistance nitong Miyerkules (Agosto 27) sa mga magsasaka at mangingisda sa Lalawigan ng Cavite na naapektuhan ng oil spill dulot ng paglubog ng MT Terra Nova.
Sa isinagawang distribusyon ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and their Families (PAFFF) sa General Trias, siyam na libong (9,000) benepisyaryo ang nabiyayaan ng P6,500 cash assistance sa pamamagitan ni PBBM.
Matatandaang na noong Hulyo 25, lumubog ang oil tanker na MT Terra Nova sa karagatan ng Bataan habang naglalaman ng lagpas 1.4 milyon litro ng industrial fuel. Ito ay nagdulot ng malawak na oil spill na umabot sa mga karatig na lugar gaya ng Bulacan, Metro Manila, at maging sa mga coastal towns ng Cavite na nakaapekto sa kabuhayan ng mga manggagawa sa agrikultura.
“Isang karangalan na maimbitahan at makasama si Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang proyekto para abutan ng tulong ang kababayan natin dito sa Cavite na apektado ng nakaraang oil spill. Pinapakita lang nito na labis ang pagpapahalaga niya sa buhay at kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda kabilang na rin ang kanilang mga pamilya. Damang-dama nga ng mga Caviteño kung paano direktang inilapit ng Pangulo ang gobyerno patungo sa tao. Kaya maraming-maraming salamat po PBBM,” ani ni Revilla.
Pinaliwanag ng mambabatas ang importansya ng pagbibigay ng tulong sa mga magsasaka at mangingisda bilang sila ang food producer ng bansa.
“Napaka-importante ng sektor na siyang tinutumbok nitong PAFFF – ang ating mga Food Producers. Sila ang mga nagsisigurado na mayroong pagkain sa hapag ng bawat Pilipino. Sila ang susi para tayo ay patuloy na maging sustainable sa supply ng pagkain.”
Dinaluhan rin ng mga kongresista ng Lalawigan ng Cavite ang naturang okasyon maging nina Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr.
“Nagpapasalamat rin tayo sa ating mga congressman, department secretaries, at mga kawani sa local governments na sumuporta sa event na ito. Umuwing masaya ang lahat ng ating mga kababayan,” ani ng mambabatas. -30-