REVILLA UMAGAPAY SA MGA BIKTIMA NG SUNOG SA BACOOR
NITONG araw ng Huwebes (Oktubre 17) ay nagtungo ang batikang lingkod-bayan na si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa Strike Gymnasium sa kanyang bayan sa Bacoor City. Ito ay para umagapay at mag-abot ng panibagong dagdag tulong sa mga biktima ng sunog sa Sitio Kanluran, Brgy. Zapote 3 sa nasabing lungsod.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ng Setyembre ay nagkaroon ng malawak na sunog sa Sitio Kanluran. Ayon sa datos, lagpas 500 na pamilya o katumbas ng 2,500 na indibidwal ang naging biktima ng sunog at natupukan ng tirahan.
Alas otso pa lang ng umaga ay nagpunta na si Revilla sa venue. Sinalubong ang mambabatas ng mainit na hiyawan at matinding pagyakap mula sa mga kababayan niyang Bacooreño.
Noong nakaraang buwan ay nagpaabot na si Revilla ng tulong sa mga biktima. Ngunit sa muling pagkakataon nitong nakaraan ay kinamusta niyang muli ang kanyang mga kababayan at nag-abot ng panibagong tulong para sa kanilang muling pagbangon.
“Nakakahabag man ang sinapit ng ating mga kababayan sa Bacoor, nagpapasalamat pa rin ako sa Panginoon at ligtas sila,” pahayag ni Revilla.
“Kapag may mga ganitong sakuna, sinisiguro ko na agad akong makakapagpaabot ng tulong sa mga biktima dahil di ko lubos maisip ang kanilang pinagdadaanan. Sa pamamagitan man lang ng ating konting tulong e maibsan ang tindi ng kanilang hirap,” dagdag niya.
Hinikayat ni Revilla ang ibang mga kababayan na makapag-abot ng tulong sa mga nasunugan sa abot ng kanilang makakaya.
“Marami namang tumutulong pero marami rin talaga ang apektado ng sunog. Magsisimula ulit sila dahil wala na halos gamit na naisalba. Kaya hinihikayat ko ang mga kababayan natin na may ginintuang puso na magpa-abot rin ng tulong. Oras muli para sa bayanihan,” pagwawakas niya. -30-