REVILLA BINAHA NG SUPORTA SA NEGROS OCCIDENTAL
BINAHA ng suporta at pagmamahal ang batikang lingkod-bayan na si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. nang siya ay dumalaw sa lalawigan ng Negros Occidental at sa Bacolod City nitong Miyerkules (Oktubre 16). Kapansin-pansin ang dami ng mga taong sumalubong sa senador, halos hindi na makagalaw sa sobrang siksikan ng mga tao.
Sa kanyang pagbisita, masigla siyang sinalubong ng libu-libong residente, puno ng saya at galak, habang naglalakad siya patungo sa entablado upang makausap ang kanyang mga kababayan. Buong init siyang niyakap ng mga tao, na mistulang simbolo ng malalim nilang pasasalamat sa patuloy na serbisyong ibinibigay ng senador.
Ang layunin ng kanyang pagpunta ay upang direktang makipag-usap sa mga lider sa Negros Occidental kagaya nina Governor Bong Lacson, E.B. Magalona Mayor Marvin Malacon, Bacolod City Mayor Albee Benitez, kasama na si ABANG LINGKOD Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, upang malaman kung paano pa mas maisusulong ang kapakanan ng mga lugar na ito. Sa pakikipagpulong ni Revilla sa mga nasabing opisyales, ibinahagi niya ang kanyang mga plano at proyekto na makakatulong sa mga nasasakupan.
Hindi rin siya nagpahuli sa personal na pakikipag-ugnayan sa mga tao. Bukod sa pagbabahagi ng mga update sa mga isinulong niya sa Senado, naghatid din siya ng konkretong tulong at suporta para sa kanilang pangangailangan, na ikinatuwa ng lahat ng dumalo.
Ani ni Revilla, "Dumalaw tayo dito sa Negros Occidental dahil nais nating tiyakin na bilang lingkod-bayan, nakukumusta natin ang ating mga pinaglilingkuran at nalalaman natin ang kanilang kasalukuyang pangangailangan. Walang tigil dapat ang ating pagsusumikap na mabigyan ng tamang suporta at serbisyo ang ating mga kababayan."
"Hindi tayo puro pangako o salita lang. Ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya upang maihatid ang mga proyektong tunay na may pakinabang sa bawat Pilipino,” dagdag pa ng senador,
Patuloy ang pagsusumikap ni Senador Bong Revilla na itaguyod ang kapakanan ng mga Pilipino, dala ang mensahe ng pag-asa at aksyon. -30-