REVILLA HINDI NAKALIMOT SA MGA KASAMAHAN SA RADYO, TELEBISYON, AT PELIKULA

Nitong nakaraang araw ng Linggo (Oktubre 13) ay pinangunahan ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF): Paglinang sa Industriya ng Paglikha sa Philippine Sports Arena sa Pasig City kung saan lagpas 13,000 na mga manggagawa sa industriya ng radyo, telebisyon, at pelikula ang direkta at agarang naabutan ng tulong ng gobyerno.

Ang BPSF ay ang pinakamalaking convergence caravan sa bansa kung saan lagpas animnapung (60) mga ahensya ng pamahalaan ang nagsasama-sama upang makapaghatid ng lagpas apatnaraang (400) programa at serbisyo ng gobyerno.

“Ako po ay natutuwa na magkakasama tayo ngayong umaga sa makasaysayang programa na ito hatid ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos at ni Speaker Martin Romualdez kung saan hindi na ang taumbayan ang kailangan kumatok sa gobyerno, dahil ang gobyerno na mismo ang lumalapit sa tao. At sa aking ngang pagsama sa BPSF sa pag-ikot nito sa buong Pilipinas, sa bawat lugar na puntahan namin, kitang kita ang tuwa, saya, at ligaya ng ating mga mamamayan,” pahayag ni Revilla.

“Mas ikinagagalak ko lang lalo dahil ang mga kaharap ko ngayon ay ang mga taong malapit na malapit sa puso ko — ang mga kasamahan kong manggagawa sa industriya ng radyo, telebisyon, at pelikula,” dagdag ni Revilla.

Si Revilla ang nanguna sa pagbubukas ng BPSF at siyang nagbigay ng pangunahing talumpati kung saan kanyang binigyan ng pagkilala ang iba pa niyang kasamahan sa naturang okasyon katulad nina Pasig City Mayor Vico Sotto, at si Cong. Roman Romulo na nakatuwang ni Revilla sa pagpasa ng Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act.

Nagbigay-bati rin ang mambabatas kina sa mga kinatawan ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) Dir. Jose Javier Reyes and kinatawan ng MOWELFUND Film Institute na si Ms. Boots Anson Roa-Rodrigo.

“For the first time ever, uulitin ko, hindi pa nakakaranas ng ganito ang industriya, inipon po natin ang mahigit 13,000 na kasamahan natin sa industriya para matulungan ng BPSF at ng pamahalaan. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga creatives, writers, crew, stuntmen, cameramen, mga announcer, at iba pang mga manggagawa, makakatanggap ng direktang suporta mula sa gobyerno,” saad ni Revilla.

Matatandaang si Revilla rin ay nagmula sa nasabing industriya bilang isang artista bago pa man siya ay pumalaot sa larangan ng paglilingkod-bayan.

“Lagi ko ngang sinasabi, hindi ako magiging si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. kung hindi dahil sa industriya ng pelikula, telebisyon, at radyo na kumupkop sakin at naghubog upang ako ay maging isang artista, na naging daan para ako ay makilala at pagkatiwalaan ng sambayanan upang paglingkuran sila.”

“Kahit kailan ay hindi ko po ikakaila – parte ako ng industriyang ito at kahit kailanman ay hindi ko pababayaan ang sektor na pinagmulan ko,” pagwawakas niya. -30-

Edward Sodoy