“DON’T WASTE TIME IN PASSING THE WASTE-TO-ENERGY BILL”—REVILLA
“Don’t waste time in passing the waste-to-energy bill” Ito ang pahayag ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa Senado noong nakaraang Martes ng hapon makaraang mag co-sponsor sa Senate Bill No. 2267 sa ilalim ng Committee Report No. 91 na naglalayong maisagawa ang polisya at regulatory framework para sa waste-to energy (WTE) technologies.
Si Revilla ang principal author ng Senate Bill No. 989 na isa sa mga panukala na kabilang sa iniulat na consolidated bill nina Sen. Raffy Tulfo na siyang chairman ng Committee on Energy. Sina Senador Gatchalian, Tolentino, Tulfo at Senate President Zubiri ay kapwa nagsumite rin ng kani-kaniyang bersyon ng panukala.
Ayon kay Revilla, ang kahalagahan ng pagpasa ng naturang panukala ay makatulong na maresolba ang lumalagong problema ng waste pollution sa bansa na nagiging banta lalo na sa panahon ng tag-ulan.
“Napaka-importante po na maisabatas natin ang Waste-to-Energy Law. Dahil bagamat marami na ring naipasa at pinapatupad na batas patungkol sa pagresolba sa problema ng basura kagaya ng RA 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at RA 11898 o ang Extended Producer Responsibility Act of 2022, tambak at patuloy pa rin pong dumarami ang basura,” ani Revilla.
“Mas dama pa natin lalo na ngayong panahon ng tag-ulan ang masalimuot na epekto ng problemang ito. Sa katunayan, laging nagkalat ang mga inaanod na basura sa mga lansangan at mga daluyang tubig pagkatapos ng baha. Paulit-ulit itong nangyayari dahil parami rin ng parami ang nag-ge-generate nating basura,” dagdag pa ni Revilla.
Ayon sa pag-aaral na nalathala sa Science Advances journal, ang Pilipinas ang nangunguna sa listahan ng mga bansang tila gabundok na ang nakakalat na plastic sa karagatan. Sa ulat naman ng United Nations Environment Programme (UNEP) noong 2018, halos nasa kalahati ng plastic waste na humantong sa karagatan ay mula sa mga bansang China, Indonesia, Philippines, Thailand, at Vietnam.
“Nakakapanlumong malaman na isa tayo sa mga bansang may pinakamaraming basura na dumurungis sa ating kapaligiran at nagdudulot ng kapahamakan sa taumbayan. We are among the top contributors of plastic waste worldwide. Isang malungkot na katotohonan lalo’t alam natin na kadalasan, ang pinaka-apektado ng masasamang dulot nito ay ang mga mahihirap nating kababayan,” paliwanag pa ni Revilla.
“I urge all of us – together, let us endeavor for the immediate passage of this measure whose benefits need no further defense. We have to act swiftly before the consequences become too unbearable. Bago pa man tayo tuluyang malunod sa basura, humanap na tayo ng paraan,” pagwawakas pa ni Revilla.
-30-