REVILLA KUMPIYANSANG ILALATAG NI PBBM ANG DIREKSYON NG ‘PINAS SA IKALAWANG SONA
KUMPIYANSA si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na tatalakayin ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ang mga pangunahing problema sa bansa kasabay nang paglalatag ng solusyon sa kaniyang darating na ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes (Hulyo 24).
“Tiwala ako na ilalatag ng pangulo ang direksyong tatahakin ng bansa sa kanyang SONA, kasabay ang pagtutok sa mga isyu na nangangailangan ng agarang atensyon – kabilang na ang presyo ng mga bilihin, pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, pagpaparami pa ng disenteng trabaho, paglutas sa problema ng kahirapan, at pagpapaigi ng edukasyon. Siguradong kalakip nito ang mga magiging konkretong hakbang ng ating pangulo para matugunan ang mga ito,” ani Revilla.
“Puno ako ng kumpyansa na ilalatag ni PBBM kung paano tuluyang mapapababa ang presyo ng mga bilihin. Kung tutuusin, limang buwan nang tuloy-tuloy na bumabagal ang inflation at ang 5.4% June 2023 inflation rate ang pinakamababa sa loob ng 13 na buwan. Kaakibat nito ang pagtugon sa kahirapan at gutom na nararanasan ng ating mga kababayan. Kaya aabangan rin natin ang kanyang magiging polisiya ukol dito,” saad pa nito.
Binigyang diin ng mambabatas ang performance ng pangulo sa una nitong taon sa panunungkulan na nagpabuti ng ekonomiya ng bansa, kagaya ng naiulat noong Hulyo 2023 ng Asian Development Bank na napanatili sa 6.0% ang GDP growth ng bansa ngayong taon na di hamak na mas mataas pa ng 1.2 sa growth projection ng nasabing bangko para sa papaunlad na ekonomiya sa Asia at sa Pacific na 4.8%.
Iniuugnay ng ADB ang pag-unlad ng bansa sa robust investment, private consumption, rising employment, expanding production, retail sales, at brisk private and public construction.
“Inaasahan rin natin na tatalakayin ng presidente ang kanyang mga hakbangin upang maparami pa ang mga kalidad at disenteng trabaho na pwedeng pasukan ng ating mga manggagawa, pati na ang pagtataas ng kanilang mga sahod. Inaasahan at importante sa atin ito dahil sa Senado ay naghain rin tayo ng panukala para bigyan ng dagdag sahod na P150 ang lahat ng ating mga manggagawa.”, paliwanag pa ng Senador.
“Katuwang ang ating Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte, sigurado rin tayo na babanggitin ng Pangulong Bongbong Marcos ang magiging roadmap kung paano mas mapapaganda ang lagay ng ating buong education sector. Sana ay mabanggit rin ng ating presidente kung paano matutulungan i-angat ang allowances na natatanggap ng mga titser. Sa Senado ay kasangga nila ako para gawing permanente ang P10,000 teaching allowance ng mga guro,” dagdag pa ni Revilla.
Inihalimbawa ni Revilla ang mataas na approval rating ng Pangulo na isa umanong magandang indikasyon na ang unang taon sa kaniyang panunungkulan bilang Pangulo ay nasa tamang direksiyon. Nagpahayag pa ng kumpiyansa ang Senador na ang kasalukuyang administrasyon ay magpapatuloy sa mga magaganda na nitong nasimulan, lalo na at nakayanan nitong maipasa ang karamihan ng mga proyoridad na panukalang batas.
“Nakikita at nararamdaman naman natin ang bunga ng pagsusumikap ng ating pangulo para pagandahin ang buhay ng bawat isang Pilipino. Kaya naman patuloy na nanatiling mataas ang kanyang approval at satisfaction rating sa sambayanan.Lalo na’t tinupad talaga niya ang kanyang mga pangako na magpasa ng mga makabuluhang batas na tunay na makakatulong sa ordinaryong Pilipino. Kaya nakakasigurado tayo na patuloy pa niyang bibigyang halaga ang paglutas sa mga pangunahing hamon na ating kinakaharap,” wika pa ng Senador.
“Unang-una na diyan ang Maharlika Invest Fund Act na naglalayong mapalago ang pondo ng ating gobyerno para makalikha pa ng mas maraming trabaho at matugunan ang kahirapan. Kamakailan lang ay naisabatas rin ng ating pangulo ang New Agrarian Emancipation Act na nagpalaya sa ating mga magsasaka sa pagkalubog sa utang dulot ng kanilang lupang sinasaka,” pagwawakas nito.
-30-