DOBLENG INGAT TAYO LABAN SA DELTA PLUS—REVILLA

viber_image_2021-05-17_13-34-06.jpg

“Ngayong may delta plus na, dapat tayong magdobleng ingat dahil wala naman ibang solusyon ang pandemyang ito kung hindi ang sumunod pa rin sa ipinatutupad na health protocol”

Ito ang pahayag ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. makaraang hingan siya ng pahayag hinggil sa panibagong delta plus variant na labis umanong pinangangambahan ng buong mundo.

Nabatid na nadiskubre ang unang Delta (B.1.617.2) coronavirus variant sa India noong nakaraang Disyembre at ngayon ay isa sa kinatatakutan dahil sa pinakamatinding strain ng coronavirus na umiikot ngayon sa buong mundo.

Ayon sa pag-aaral, ito ang pinaka-transmissible variant sa kasalukuyan dahil umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento itong nakakahawa kumpara sa Alpha (U.K./B.1.1.7) variant, na sumalanta ng ilang ulit sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa panahon ng pandemya.

Ang Delta ay kumalat na sa halos 92 bansa at ang naturang strain ay naghasik ng ilang wave ng mga kaso ng COVID-19 sa maraming lugar na unang nanalasa sa India nitong mga nagdaang buwan, kasunod ay tumaas na rin ang mga kaso sa United Kingdom at halos 10 porsiyento ng bagong kaso ay namataan sa United States.

Napag-alaman na dahil sa tindi nang epekto ng delta ay kinakitaan na naman ito ng bagong mutation na tinawag namang ‘delta plus’ na ngayon ay nagbibigay ng malaking pangamba sa mga eksperto hindi lang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo.

Sa pinakahuling ulat ng health department ng UK hinggil sa kanilang summary ng routine scanning ng COVID-19 kung saan ang delta variant ang responsable sa napakaraming bagong kaso ngunit nakitang halos 40 sa mga bagong kasong ito ay natukoy na ‘delta plus’.

Nito lamang nagdaang linggo ay nalathala na tumaas na ang mga kaso ng delta plus variant sa U.S. Canada, India, Japan, Nepal, Poland, Portugal, Russia, Switzerland ,Turkey at masusi na itong binabantayan na huwag makapasok sa ating bansa.

Kaugnay nito ay nagbigay ng babala ang maraming Covid expert at WHO hinggil sa Delta plus variant na posibleng mangibabaw umano ito sa buong mundo at magkaroon ng matinding outbreak sa mga lugar na hindi pa natuturukan ng bakuna ang mga tao.

“Wala namang bagong panuntunan na inilabas ang WHO at iba pang mga eksperto sa buong mundo para labanan ang coronavirus maliban sa paulit-ulit nang ipinatutupad na health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask, regular na paghuhugas ng kamay ,physical distancing at magpabakuna, gano’n pa rin” pagwawakas pa ni Revilla.

-30-

Edward Sodoy