REVILLA PINASALAMATAN SI DUTERTE SA PAHAYAG NA ITIGIL NA ANG PAGGAMIT NG FACE SHIELD

Matapos ang ginawa niyang panawagan na huwag nang i-require sa publiko ang pagsuot ng face shield liban na lamang sa ilang mga pagkakataon, pinasalamatan ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil na ang paggamit ng face shield maliban sa mga ospital at para sa mga in-facility frontliners na talagang kailangan ito.

Una nang isiniwalat ngayong umaga (June 17) ni Senate President Vicente Sotto III ang naging pahayag ng Presidente at ang intensyon nitong utusan ang Department of Health (DOH) na agarang ipatupad ang pagpapatigil nang pagsusuot ng face shield. Kasama ni Sotto si Revilla sa Palasyo nang banggitin ito ni Duterte.

Matatandaan na ipinakiusap ni Revilla na itigil na ang pagsusuot ng face shield dahil ayon sa kanya, napakaraming mga Pilipino ang kinailangang maghigpit ng sinturon, at ang perang dapat ipangbibili na lamang ng pagkain ay ibibili pa ng face shield dahil sa takot na mahuli sa labas ng bahay.

Ilang doktor din umano ang nakaugnayan ni Revilla na nagpahayag ng kanilang agam-agam sa positibong kontribusyon sa paggamit ng face shield laban sa community transmission ng COVID-19. Marami naman sa mga ito ang nagpahayag na wala umanong matibay na ebidensya ukol dito, at sa kabaliktaran ay maari pa nga umano itong magdulot ng problema dahil sa epekto nito sa tamang bentelasyon at paghinga.

Liban diyan, ipinaliwanag rin ni Revilla na sa napakaraming mga bansa sa mundo ay tanging ang Pilipinas lamang ang gumagamit nito na labis na nagdagdag pahirap sa marami nating kababayan.

Nabatid na ang lahat ng ipinunto ni Revilla ay siya ring dahilan ng Pangulo kung bakit dapat nang itigil ang paggamit ng face shield.

Sinabi pa ni Duterte na tanging sa ospital na lamang  ipatutupad ang pagsusuot ng face shield, maging hospital worker o hindi na papasok sa ospital ay obligado pa rin at maliban doon ay wala nang ibang lugar o establisementong binanggit para gamitin pa ang face shield.

“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulo dahil dininig niya ang panawagan ng ating mga kababayan. Patunay lang ito na laging nasa puso't isip ng Presidente ang kapakanan at ikabubuti ng lahat,” saad pa ni Revilla.

-30-

Edward Sodoy