Revilla hinimay ang swab-upon-arrival policy ng Cebu sa Senado

viber_image_2021-05-17_13-33-57.jpg

MATAPOS busisiin ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang patungkol sa Swab-Upon-Arrival-Policy sa Cebu ay umani ng mas maraming suporta si Cebu Governor Gwen Garcia na siyang naglabas ng Executive Order hinggil dito sa isinagawang pagdinig sa Senado noong nakaraang Martes.

Sa isinagawang pagdinig ng Committee of the Whole ay unang pinapaliwanag ni Revilla si Sec. Carlito Galvez ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) hinggil sa vaccination rollout na isasagwa para sa mga bata at kung may plano ito patungkol sa pagbabalik sa face to face classes.

Ipinaliwanag ni Galvez na sa darating na fourth quarter ay posibleng masimulan na ang pagbabakuna sa mga bata dahil kasalukuyang inaaral na umano ng mga eksperto ang Pfizer na puwede sa edad na 12-15, Sinovac sa 3-17 at Moderna para sa 12-17.

Sinisimulan na rin umano ang pagbabakuna sa mga guro at kapag nakumpleto na umano ay unti-unti nang sisimulan ang face to face classes na sinisimulan na rin sa ilang medical school.

Kasunod nito ay piniga naman ni Revilla si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque, III na siyang ring Chairman ng IATF hinggil sa inilabas na E.O. na aprubado naman ng Provincial Ordinance No. 2021-04 ng Cebu Provincial Board ang kautusang ipatupad ang Swab-Upon-Arrival Policy sa kanilang lugar.

Isinulong mismo ni Gov. Garcia ang nabanggit na executive order upang atasang isailalim sa RT-PCR swab test ang mga Overseas Filipino Worker's (OFW's) at Returning Overseas Filipino (ROF) na nakabase abroad sa oras na bumalik sila sa kanilang probinsiya.

Ipinaliwanag mismo ni Gov. Garcia na kung sa loob ng 24 oras ay magiging negatibo ang resulta nito ay agad silang pauuwiin sa kanilang tahanan para sumailalim naman sa 14 araw na quarantine sa ilalim nang pamamahala ng kani-kanilang barangay na alinsunod sa panuntunan ng lalawigan.

Siniguro pa Garcia na makaraan umano ang pitong araw ay muli silang isasailalim sa ikalawang swab test na isasagawa naman ng mga representante ng Local Government Unit (LGU) para masigurong wala nang peligro na sila ay makapanghawa pa.

Ngunit taliwas ito sa inilabas na panuntunan ng IATF-EID na sa tingin ng mga OFW's at ROF's ay nadagdagan ang kanilang sakripisyo, gastos at pagkaantala na makita agad ang kani-kanilang mahal sa buhay.

Ayon sa paliwanag ni Duque, dapat na manatili sa hotel at accredited quarantine facilities nang hindi bababa sa loob ng 10 araw sa oras na lumapag sila sa Cebu at isasailalim lamang sa swab test makalipas ang pitong araw mula nang sila ay dumating.

Dahil sa isyung inilabas ni Revilla ay tumagal ang palitan ng paliwanagan at sa huli ay umani ng suporta si Garcia sa maraming Senador dahil sa may kakayahan naman umano na kanilang pangalagaan ang kanilang lalawigan.

Sa huli ay sinabi ni Revilla na dapat ay magkasundo sa desisyong ipatutupad dahil iisa naman umano ang layunin ng lahat na mailigtas ang ating mga kababayan sa kasalukuyang pandemya.

Bago bumitaw si Revilla ay muli nitong binanggit ang kaniyang panawagan na bigyang konsiderasyon ang mga kababayan nating gumagamit ng face shield dahil sa tayo na lamang umano ang nagpapatupad nito.

"Sa mga medical frontliners, they should be required. But the general public, hindi na po kailangan. The minimum health protocols of facemask, social distancing and constant washing of hands would suffice" pagwawakas pa ni Revilla.

Edward Sodoy