REVILLA SINUSUGAN ANG PAGPAPALAWIG NG TAX AMNESTY
NAGHAIN ng co-sponsorship speech si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. upang susugan ang Senate Bill No. 2208 (Committee Report No. 256) o ang An act extending the estate tax amnesty and for other purposes, amending section 6 of Republic Act No. 11213, otherwise known as the ‘Tax Amnesty Act’.
Sinabi ni Revilla na hindi naman umano lingid sa marami ang kasalukuyang sitwasyon ng pandemya na labis umano sinalanta ang ating kalusugan at kabuhayan kabilang na ang paghihigpit ng pamahalaan na huwag lumabas ng tahanan.
Binanggit pa ni Revilla na hindi na umano tayo nakausad mula sa community quarantine, work from home arrangements sa mga opisina, pahirapan sa transportasyon, takot na lumabas at mag-asikaso ng mga requirements dahil pa rin sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Isinumite umano ni Revilla ang naturang panukala dahil sa marami sa ating mga kababayan ang hindi makatugon sa itinakdang tax amnesty kaya agad nating isinulong na mapalawig pa ito upang mabigyan ng pagkakataon ang marami sa ating mga kababayan.
Ayon pa sa principal author nito na si Revilla, ang panukalang ito umano ay malaking tulong para sa ating mga kababayan na nabigong asikasuhin ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng pandemya.
Idinagdag pa ng beteranong Senador na hindi lamang ang mga kababayan natin ang makakaranas ng ginhawa dahil maging ang pamahalaan natin ay magkakaroon pa ng pagkakataon na bigyang pansin ang iba pang suliranin tulad nang pagtugon sa pangangailangan ng mga apektado ng pandemya.
Kasabay nito ay binigyang papuri ni Revilla ang kasipagan ng Chairperson ng Ways and Means Committee na si Senator Pia Cayetano, dahil sa mabilis nitong pagkilos para sa panukalang batas na ito.
-30-