KAIBIGAN NATIN ANG CHINA, PERO KAIBIGAN BA TAYO NG CHINA?
“Sa naging pahayag ng Pangulo na posibleng sa sitwasyong ito na umano magwakas ang ating pakikipagkaibigan sa China ay natuldukan na marahil ang anumang agam-agam o pagdududa sa paninindigan ng ating pamahalaan ukol sa mga isyu ng West Philippine Sea”
Ito ang pahayag ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. makaraang muli na namang maghain ng panibagong diplomatic protest ang pamahalaan dahil sa muli na namang pananatili ng mga Chinese vessels sa ating teritoryo.
Sinabi pa ni Revilla na tama at suportado niya ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil atin talaga ang West Philippine Sea kahit pabali-balikatarin at may hawak tayong mga katunayan na teritoryo natin ang unti-unti na nilang sinasakop.
Matatandaan na binanggit ni Duterte sa kaniyang regular na ‘Talk to the People’ na isinahimpapawid noong nakaraang Biyernes na hindi niya aatrasan ang China kahit buhay pa niya ang maging kapalit sa kabila ng napakalaki umano nating utang na loob sa China dahil sa mga donasyon nilang bakuna sa ating bansa.
Hindi umano aatras si Duterte kahit maging buhay pa niya ang kabayaran ngunit sinabi nitong hindi naman para humantong ang bansa sa pakikipagdigma, sa halip ay nais lamang niyang irespeto ang ating karapatan.
Sa paninindigang ito ng Pangulo ay sinabi ni Revilla na panahon na upang linawing mabuti ang tunay na kalagayan ng ating pakikipagkaibigan sa China na paulit-ulit umanong nilalabag ang umiiral nating karapatan sa ating teritoryo.
“Ang tunay kasing magkaibigan ay naggagalangan, binibigyan ng payo at tumatanggap ng payo para magkaintindihan, pero sa kabila ng ating pakiusap ay nakararanas pa rin tayo nang panlalamang ay hindi na ito tamang pakikipagkaibigan” pahayag pa ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na kung totoong kaibigan ang turing sa atin ng China, dapat ay pakitaan umano nila tayo ng respeto tulad nang ipinapakita natin sa kanila at ang ginagawa umano nilang walang pasintabing pagsakop sa ating teritoryo ay isang maliwanag na kawalan ng respeto.
Ayon pa kay Revilla ang isang tunay na magkaibigan ay tumatanggap ng paalala lalo pa kung mali na ang ginagawa, pero kung sa kabila ng lahat ay paulit-ulit pa rin umano tayong inaabuso at binabalewala ay dapat na nating wakasan ang napakapasensyosong pakikipagkaibigan natin sa China.
“Sa paulit-ulit na madiplomasyang protesta na inihain na natin at hindi talaga nila pinapansin ay maliwanag na kaibigan natin ang China pero hindi nila tayo itinuturing na kaibigan” pagwawakas pa ni Revilla.