Revilla nagpahayag ng suporta sa mga mahuhusay na diplomat
NAGPAHAYAG ng suporta si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa isinagawang pagdinig sa Commission on Appointment (CA) hinggil sa nominasyon at pagkakatalaga ng mga foreign service officers, career ministers, at chiefs of mission ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Pinangunahan ni Ambassador Ma. TERESITA CRUZ DAZA ang pagdalo sa naturang pagdinig na nagsimula ang kaniyang karera bilang researcher at ngayon ay isa nang iginagalang na diplomat sa foreign service community dahil sa kaniyang husay at integridad.
Dahil dito ay binigyang papuri din ni Revilla ang mga senior officers na sina Consul General EZZEDIN TAGO - na nominado bilang Ambassador to the Arab Republic of Egypt, na ilang ulit nang tumanggap ng pagkilala dahil sa kaniyang pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW's).
Kabilang na dito ang kaniyang pagsisikap na mapauwi ang mga Pilipino sa Lebanon noong taong 2006 at ang ginawa niyang pagtutok para mailigtas ang dalawang Pilipino na hinostage ng mga Iraqi rebels noong taong 2005.
Kasama sa mga binigyang papuri ni Revilla ang Assistant Secretary na si MYLA GRACE MACAHILIG, na nominado bilang Ambassador to the Holy See; Consul General JOSEPHINE REYNANTE mula Philippine Embassy ng Switzerland; LILIBETH PONO, na kasalukuyang Deputy Chief of Mission, sa Philippine Embassy ng Germany.
Kabilang din sina ELIZABETH TAN TE, ang Deputy Permanent Representative, Permanent Mission of the Philippines to ASEAN sa Indonesia; Consul General ADRIAN BERNIE CANDOLADA, ng Philippine Embassy sa Singapore at Executive Director CHARMAINE ROWENA AVIQUIVIL, ng Office of Policy Planning and Coordination.
Ayon kay Revilla, lahat umano ng mga nabanggit ay nagpakita ng husay sa kani-kanilang respective assignments partikular sa pagtulong sa mga kababayan nating nasa bingit ng pangangailangan abroad.
"Napakahalaga po para sa akin, na bukod sa naisusulong at napu-protektahan natin ang ating pambansang interes sa international community, napaglilingkuran natin nang maayos ang ating kapwa Pilipino na nangangailangan ng tulong. As you very well know, the protection of the rights and promotion of the welfare and interest of Filipinos overseas is one of the three pillars of the Philippine foreign policy" paliwanag pa ni Revilla.
Sa huli ay binigyang diin ni Revilla na sana ay magpatuloy pa ang husay at galing ng ating mga nakababata at aktibong diplomat para matulungan pa ang mga nangangailangan nating kababayan sa ibang bansa lalo na 'yung mga nasa gipit na kalagayan.
"Kailangan ng ating mga kababayan sa ibang bansa ang respeto, mataas na kalidad ng serbisyo at maayos na pagtrato na karapat-dapat para sa kapwa natin Pilipino" pagwawakas pa ni Revilla.