Pinoy Community sa Hong Kong Suportado si Sen. Bong Revilla
DINUMOG ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla makaraang katawanin nito ang kaniyang ama sa imbitasyon ng OFW Alliance of United Supporters of Pres. Rodrigo Duterte sa Hongkong kamakailan.
Dahil sobrang sikip ng schedule ni Sen. Bong Revilla ay inatasan na lamang nito ang kaniyang anak na siyang magsalita para sa Pinoy community partikular sa Friends of Bong Revilla na nagkaniya-kaniya ng gastos para makapagpagawa ng T-shirt na ginamit nila sa okasyon.
Sa pamamagitan ni Jolo ay sinabi nitong sa oras na makabalik sa Senado ang kaniyang ama ay prayoridad nito ang disenteng suweldo para sa mga mangagawa.
Lalo na ang mga OFW na tinaguriang bayani sa makabagong panahon ngunit karamihan ay mahihirap pa rin at namamatay sa sakit dahil walang ipon at pampagamot sa oras na sila ay retirado na.
Suportado umano ni Sen. Bong na magkaroon ng pensiyon ang bawat retiradong OFW at magkaroon ng sariling ospital upang hindi maging kaawa-awa ang tinagurian pa naman nating bayani sa makabagong panahon.
Nang banggitin ng batang Revilla ang mga katagang ito ay marami ang lumuha at walang humpay na palakpakan ang isinukli nila dahil sa dimani-dami umano ng kandidato ay may isang nakaalala sa kanilang kapakanan.
Dahil dito ay nagpahayag ng suporta ang Pinoy Community kay Sen. Bong upang muli itong makabalik sa Senado at matupad ang pangakong suporta sa OFW.