Iniligtas ni Sen. Bong Revilla sa Hostage, Madamdaming Nagkita Matapos ang 12 Taon
NAGING madrama ang muling pagtatagpo kahapon ng mga kabataang iniligtas ni Sen. Bong Revilla sa isang hostage drama sa kamay ng isang desperado na may dalang granada sa Liwasang Bonifacio, Manila.
Kahapon ay ginugunita ng Musmos Day-Care Center ang ika-12 taon ng nasabing insidente sa Area C, Gate 54, Brgy. 257, Zone 25 Binondo, Manila na dinaluhan mismo ni Sen. Bong Revilla bilang panauhing pandangal.
Matatandaan noong Marso 28, 2007 ay nakatakdang magtungo sa Tagaytay ang 26 mag-aaral na mula 4 hanggang 7 anyos edad kasama ang kanilang apat na guro bilang bahagi ng kanilang field trip.
Bandang alas 7 ng umaga, ‘lLulan ng isang tourist bus ay bumiyahe na sila kung saan ay sumakay si Jun Ducat ang may-ari mismo ng nasabing day-care center at matapos pakainin ang mga bata ay nagdeklara na ng hostage.
Gamit ang isang tarpaulin na inilagay sa labas ng nasabing tourist bus ay umagaw ito ng atensiyon na naging dahilan para dumagsa ang media at halos lahat ng iba’t-ibang unit ng pulisya at pinaligiran ang nasabing bus.
Isang Zaynoh Irish Pacheco na noon ay 5 anyos lamang ang kalong ng hostage taker na napayapa lamang ng dumating si Sen. Bong na siyang nagpasuko kay Ducat at nakulong sa Manila City jail.
Si Pacheco ay graduating na ng grade 12 ay halos hindi mapatid ang pasasalamat dahil siya mismo ang kauna-unahang nailigtas sa bingit ng kamatayan at ngayon ay eskolar na ni Sen. Bong sa kolehiyo.