Pagbaba ng optional retirement sa 56 mula 60 anyos, isusulong ni Senador Bong Revilla

Upang mas mapakinabangan ang mga benepisyo at makapaglaan ng buong oras sa piling ng pamilya at kaanak, isusulong ni Sen. Bong Revilla na gawing limampu’t anim ang edad ng “optional retirement age” para sa mga kawani ng pamahalaan.

Ayon sa beteranong mambabatas, kapwa makabubuti sa pamahalaan at sa mga manggagawa ang pagbaba sa edad 56 ng optional retirement upang matamasa ng nagretirong kawani ang kanyang mga benepisyo habang nasa rurok pa ng kanyang kalakasan at kalusugan.

Maliban pa rito, plano din ni Revilla na ibaba ang edad ng senior citizens mula 60 taon sa 56 anyos upang mapakinabangan ang iba pang pribelehiyong nakasaad sa batas.

Dagdag pa ni Revilla, kung mas maagang makapagreretiro ang mga “beteranong” kawani ng pamahalaan, mas maraming batang propesyunal ang makapapasok at makapagseserbisyo sa gobyerno.

Plano rin ni Revilla na gawing “staggered” ang pagbibigay ng P100,000 benepisyo para sa mga senior citizen na lalagpas ng 80 anyos. Ayon sa kanya, imbis na hintaying maging “centenarian” ang isang senior citizen bago pa nito makuha ang P100,000 benepisyo, bibigyan na siya ng P25,000 sa edad 80, habang P25,000 muli sa edad 90, at ang nalalabing P50,000 pagtungtong ng 100 taon gulang.

Bong Revilla.jpg
PR Team