Higit isang milyong pasyenteng natulungan ng KAP program, mas pararamihin pa ni Senador Bong Revilla kung papalaring muling mahalal
Dadagdagan at mas pararamihin pa ni Senador Bong Revilla ang higit isang milyong benepisaryo ng kanyang Kalusugan Ating Pangalagaan (KAP) program. Ayon sa beteranong mambabatas, dadagdagan pa niya ang mga pasyenteng tutulungan ng kanyang programang pangkalusugan sa pamamagitan ng pagsulong ng mga mahahalagang batas. Ang mga pasyenteng ito ay dumaranas ng malalang sakit tulad ng kanser, diabetes, komplikasyon sa puso at mahahalagang organ ng katawan, aksidente at iba pang karamdaman. Pahayag pa ni Revilla, bukas ang kanyang opisina sa lahat ng nais dumulog at humingi ng tulong sa kanya, lalu’t higit ang mga pasyenteng dumaranas ng matinding karamdaman ngunit hindi maipagamot ang kanilang sarili dahil na rin sa matinding kahirapan. Sumasailalim sa masusing screening ang mga pasyente upang malaman kung anu-ano ang mga tulong na maaaring ibigay sa kanya. Kapag nakapasa siya sa nasabing proseso, ipagkakaloob ng KAP program sa kanya ang lahat ng posibleng tulong upang matiyak ang kanyang agarang paggaling.
Mula pa noong 2004, sa kanyang unang termino bilang senador, marami nang naisabatas na bills si Revilla na naglalayong pag-ibayuhin ang sektor ng kalusugan sa bansa.
Kung palaring makabalik sa Senado, ilan sa pangunahing programang isusulong ni Revilla ang Family Medical Leave Act, na nagbibigay ng 15 days paid leave sa mga manggagawa upang kalingain ang kanilang kapamilya na may malubhang karamdaman, at ang pagtatatag ng OFW hospital para sa mga overseas Filipino na itinuturing na bagong bayani ng bansa.