Bong Revilla, nag-uumapaw ang pasasalamat sa matatagumpay na sorties
Bacoor, Cavite- Taos-puso ang naging pasasalamat ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa mainit na pagtanggap ng mga mamamayang nakibahagi sa kanyang matatagumpay na campaign sorties sa unang buwan ng kampanya.
Ayon sa nagbabalik na mambabatas, lubos na nakatataba ng puso ang napakainit na pagsalubong ng libu-libo niyang kababayan na nakibahagi sa kanyang campaign sorties. “Kaliwa’t kanang halik, yakap at napakaraming selfie ang sumasalubong sa akin,” ani ni Revilla.
“Kahit grabe ang pagpapakalat ng fake news at pag-atake sa akin ng mga dilaw, damang-dama ko padin ang pagmamahal ng ating mga kababayan. Ang kanilang pananabik sa aking pagbabalik ay tanda at kumpirmasyon na hindi naniniwala ang mga Pilipino sa mga paninira sa akin,” dagdag pa niya.
Matatandaang Disyembre 7, 2018, napawalang-sala si Revilla ng Sandiganbayan sa kasong plunder na inihain sa kanya.
Ayon kay Revilla, sa kabila ng napakaraming hamon na kailangang harapin ng kanyang kampo, nawawala lahat ang kanyang paghihirap tuwing nakikita niya ang kanyang mga kababayan na sabik na sabik na abutin ang kanyang kamay, lumuluha habang nakayakap sa kanya, at emosyonal na ipinahahayag ang kanilang pagnanais at panalangin na magtagumpay siya sa kanyang adhikain na muling makapaglingkod.
Nangako si Revilla na mas magiging aktibo pa siya sa paglilibot sa mga probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao upang maabot ang kanyang adhikain sa mas marami pang mga Pilipino.
Alinsunod sa kanyang platapormang “Tuloy ang Laban,” kabilang sa mga programang isinusulong ng senador ang laban sa kahirapan; sa krimen at karahasan; sa droga; sa traffic; para sa disenteng sweldo at trabaho; para sa pagkain sa hapagkainan; at para sa edukasyon.