Talumpati ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr. sa ika-126 na Pagdiriwang ng Araw ng Kasarinlan sa Makasaysayang Bayan ng Kawit, Cavite
Mga kababayan, mga kapwa Pilipino: bago ang lahat, isang nag-aalab na pagbati ngayong araw ng ating kalayaan!
Ang araw na ito ay may malalim na kahulugan sa ating lipi, sapagkat hindi lamang natin ginugunita ang kadakilaan ng ating mga bayani; lalo’t higit pa, ng Inang Bayan na sa wakas, ay nai-guhit na ang kanyang kapalaran ayon sa malaya niyang kaisipan at pasya.
Hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sapagkat dito sa ipinagmamalaki nating lalawigan isinilang ang ating kasarinlan isang siglo at dalawampu’t anim (126) na taon na ang nakalilipas. Dito rin mismo ginanap ang pag-gunita sa sentenaryo ng ating kalayaan.
Taong isang-libo at siyamnapu’t-walo (1998) nang makilahok po tayo noon bilang ama ng dakilang lalawigan ng Cavite at namuno bilang Gobernador sa pag-alaala sa kabayanihan ng ating mga ninuno.
Nasaksihan rin ng buong mundo nang gumanap tayo bilang Heneral Emilio Aguinaldo sa pagdaraos naman sa Quirino Grandstand ng paggunita ng sentenaryo ng ating kalayaan kung saan ipinamalas natin ang kagitingan ng lahing Pilipino.
At sa pamumuno nga ni Heneral Emilio Aguinaldo noong taong isang-libo’t, walong daan at siyamnapu’t walo (1898), buong giting na naiwagayway ang bandila ng sambayanang Pilipinong hindi pasisiil, at hindi na muling maigagapos.
‘Daang taon man ang lumipas, hindi malilimutan ang dakilang sakripisyo ng ating mga ninuno, at magpakailanman, ito ay tatanawin nating utang na loob… Sa kanilang mga nagbuwis ng buhay upang tayo ay makaalpas mula sa tanikalang bumihag sa ating Inang bayan… Sa kanilang nag-alay ng dugo at buhay upang makamtan ang mga tinatamasa nating kasaganaan, kapayapaan at kalayaan.
Nakaukit na po sa mga pahina ng kasaysayan ang alay na iyan ng ating mga bayani, at patuloy na nananalaytay hindi lamang sa dugo ng mga taga Kawit, kundi ng mga taga-Cavite at ng buong bansa. Kakambal na nga ito ng ating pagkatao: na ilang siglo nating ipinaglaban sa kamay ng mga manlulupig.
Sa pagdiriwang na ito, aking binibigyang-diin na higit pang sumisidhi ang apoy na nagbabaga sa puso ng bawat Pilipino na isulong ang ating mga adhikain tungo sa mas maganda at maunlad na Pilipinas.
Sa parehong diwa ng pagkakaisa na naging sandigan ng ating tagumpay noon, at pundasyon ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. ngayon, akin pong hinihikayat ang bawat isa na makilahok sa kasalukuyang pagsisikap at pagsikad tungo sa Bagong Pilipinas.
Sa panahong ito na maraming daluyong na sumusubok sa atin, higit ang pangangailangan na pag-bigkisin ang taumbayan tungo sa isang makabayang hangarin, marudbob na nasyonalismo, at dalisay na pagmamahal sa bansa.
Kasaysayan ang patunay sa mga landas na ating tinahak, at ito na rin mismo ang saksi sa katotohanang hindi bago sa atin ang mga pag-subok.
Ngunit anumang hagupit ng tadhana, hindi nagpatinag ang lahing Pilipino na pinanday na ng panahon. Isang bayang hindi na muling magpapagapi… isang bayang paulit-ulit na itataas ang bandilang simbolo ng kapayapaan, kasarinlan at katarungan. Ito mismo ang taunan nating ipinagdiriwang - ang diwa ng walang maliw na kabayanihan at kadakilaan.
Taon-taon, sa pag-gunita natin ng araw na ito, taas-noo nating ipinagbubunyi ang kabanatang ito sa ating kwento kung saan ipinakilala natin sa buong daigdig ang lahing Pilipino na laging handang ialay ang buhay para sa sintang-bayan.
Kasabay nito ang pagpapakita ng ating resolba na harapin ang kinabukasan na punong-puno ng pag-asa at katatagan na tumindig sa ano mang hamong darating.
Ito ang kahalagahan ng araw na ito: na ipaalala sa ating mga kababayan, lalo na sa ating mga kabataan ang dugong dumaloy upang makamit ang mga mithiin at pangarap ng bayang hindi na muli magpapa-bihag.
Lalo na at sariwa pa sa ating gunita ang tila muling panunubok sa ating soberanya - higit na kailangang mag-ningas ang kabayanihang handang salagin ang ano mang sibat na banta sa ating kasarinlan.
Sa ating pinagkaisang tinig at pagpupunyagi, hindi na muling makakapaghari-harian ang sinumang dayuhang nagnanasang lapastanganin at pagsamantalahan ang ating bayan. Wala nang pwersang maaaring magpatahimik sa bayang natuklasan na ang talawtaw ng kanyang tinig.
Ito rin ang hamong iiwan sa atin ng umagang ito: muling pag-alabin ang pagmamahal sa ating Inang bayan at sa ating kapwa. Ating tandaan na hindi tayo magwawagi kung hindi natin pagbubuklurin ang isa’t isa tungo sa isang layuning pagyabungin ang kultura at kwento ng ating bansa. Huwag nating hayaan na mauwi lang sa wala ang mga buhay na isinakripisyo ng ating mga ninuno sa ngalan ng mga tinatamasa natin ngayon.
Sapagkat hindi tayo lubusang malaya hanggang may piring na nagkukubli sa katotohanan. Hindi buo ang kalayaan hanggang may Pilipinong nangangambang mapaslang kapalit ng pagpapahayag ng kanyang saloobin.
Hindi tayo tunay na malaya hanggang hindi natin ganap na natitindigan ang ating tinubuang-lupa mula sa agresyon at nakaambang iba’t-ibang uri at anyo ng pananalakay at pag-yurak sa kasarinlan.
Kapit-bisig at buong tapang nating harapin ang bukas na may masidhing hangarin na linangin ang kinabukasan na hindi lamang maipagmamalaki, kung hindi - itatangi hanggang ng susunod na salinlahi.
Sa ating nagkakaisang pagkilos makakamit natin ang ating mga lunggati at pangarap para sa ating bansa. Isang bukas kung saan dama ng bawat Pilipino ang ginhawa, kung saan walang maiiwan sa susunod na hakbang; isang bukas na natupad na, na noon ay pangarap lamang.
Tiyak na sa pinagsanib-sanib nating lakas, ating iwawagayway sa buong daigdig ang kadakilaan ng ating lahi para sa kinabukasan na punung-puno ng pag-asa tungo sa Bagong Pilipinas.
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino. Mabuhay ang ating kalayaan. Mabuhay ang ating Inang Bayan. Itaguyod, ipaglaban at ipagpatuloy natin ang kasaganaan, kapayapaan at kalayaan.
Pagpalain nawa tayo ng Poong Maykapal!