REVILLA NAKIRAMAY SA MGA PAMILYA NG MGA NASAWI SA BAGYONG KRISTINE

PERSONAL na nakiramay ang lingkod-bayan na si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa mga pamilya ng mga nasawi sa Lalawigan ng Batangas bunsod ng naging pagsalanta ng bagyong Kristine noong nakaraang linggo.

Ayon sa datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Batangas, umabot sa 59 na katao ang binawian ng buhay dahil sa nasabing kalamidad. 20 sa mga biktima ay nawalan ng buhay dahil sa pagguho ng lupa sa Barangay Sampaloc sa bayan ng Talisay. Mayroon din mga namatay dahil sa ibang kadahilanan.

Nag-abot ng tulong ang senador sa mga nasabing pamilya upang makatulong sa mga gastusing kaakibat ng pagbuburol at paglilibing sa mga namatay. Hinarap niya ang mga kamag-anak ng dalawampung nasawi sa bayan ng Talisay at labing isa sa bayan ng Laurel.

“Ang sakit makita ng kalagayan ng ating mga kababayan na dumaraan sa ganitong pagsubok. May kirot sa puso ko kapag naiisip ko na sa kabila ng hirap na kanilang dinanas noong panahon ng bagyong Kristine, bagong dagok na naman ang kanilang haharapin sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay,” pahayag ni Revilla.

Tumugon din ang mambabatas sa iba pang naapektuhan ng nagdaang bagyo kung saan siya ay namahagi ng supply ng pagkain sa tatlong libong katao sa mga bayan ng Talisay, Laurel at Agoncillo.

“Mahirap man ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan, sigurado ako na sila ay muling makakabangon. Walang ano mang bagyo ang makakatinag sa pag-asa ng bawat isa nating mga kababayan. Patuloy natin silang aakayin hanggang makatayo silang muli sa kanilang mga sariling paa,” pagbabahagi ni Revilla. -30-

Edward Sodoy