SEN. REVILLA BINIYAYAAN ANG MGA MANGGAGAWA SA ILOILO CITY

DINALAW ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang provincial congress ng barangay service point officers (BSPO), na mas kilala bilang barangay population workers, sa Iloilo noong nakaraang Lunes (Nobyembre 18).

Mahigit sa 2,000 BSPOs ang mainit na tumanggap sa pagdating ni Sen. Revilla sa Iloilo Convention Center, kasama si Governor Arthur R. Defensor Jr.

Kinilala ni Revilla at binigyang importansya ang kahalagahan ng mga barangay population workers sa pagpapatupad ng mga polisiya ng bansa hinggil sa population at family planning.

“Napakalaki po talaga ng inyong ginagampanan sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan. Sa bawat konsultasyon, pagbisita sa tahanan, o simpleng pag-abot ng impormasyon tungkol sa kalusugan at pagpaplano ng pamilya, kayo po ang tulay ng gobyerno sa ating mga mamamayan,” saad ni Revilla .

“Sa panahon ngayon, mas higit na mahalaga ang inyong papel. Ang mabilis na paglaki ng populasyon, ang mga isyung dulot ng urbanisasyon, at ang pangangailangan ng balanseng pag-unlad ay ilan lamang sa mga hamaon na ating kinakaharap. Sa tulong ninyo, mas maipapahayag natin sa ating mga kababayan ang kahalagahan ng responsableng pagpapamilya, maayos na kalusugan, at mga programang pangkaunlaran,” dagdag pa ni Revilla.

Si Revilla rin ang may-akda ng Senate Bill No. 1486 na magmamandatong magkaroon ng population office sa lahat ng siyudad, munisiplidad at lalawigan sa bansa.

“Hangad po natin sa panukalang ito na mas madali maimplimenta ang mga programa at proyekto ng gobyerno patungkol sa population and family planning. Sa pamamagitan ng Population Offices, mas magkakaroon tayo ng sistematikong paraan para maibigay ang tamang suporta, training, at resources na kailangan ng ating mga BSPOs,” paliwanag pa ni Revilla.

Sa gitna ng programang dinaluhan ni Revilla, ay nakiisa din ito sa pagkilala sa mga BSPOs na naglingkod na sa loob ng 20 taon, 30 taon at 40 taon.

“Kukunin ko na rin po ang pagkakataon na to para batiin at ipahayag ang aking paghanga sa ating mga natatanging kawani na bibigyang parangal ngayon. Hindi matatawaran ang inyong sakripisyo at dedikasyon na umabot ng dekada para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Maraming salamat po sa inyong malasakit at walang pag-iimbot na paglilingkod. Kayo ang tunay na huwaran ng ating bayan,” maikling pananalita pa ni Revilla. -30-

Edward Sodoy