REVILLA PINARANGALAN BILANG NATATANGING LINGKOD-BAYAN NG IBA'T- IBANG PRESTIHIYOSONG AWARD-GIVING BODIES

DAHIL sa kanyang natatanging kontribusyon sa pagiging dedikadong lingkod-bayan ay ginawaran si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ng mga parangal kabilang na rito ang prestihiyosong “Asia's Distinguished Leader in Public Service” mula sa Asia’s Pinnacle Awards 2024 at ng “Gawad Pilipino Lingkod Bayan Award” mula sa Gawad Pilipino Awards.

Ang mga parangal na ito ay patunay ng kanyang patuloy na dedikasyon sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino at ng kanyang makabuluhang ambag sa pamamahala at paggawa ng batas.

Ang Asia’s Pinnacle Awards ay isang nangungunang kinatawan na nagbibigay-pugay sa kahusayan sa iba’t ibang larangan, kabilang ang pampublikong serbisyo, negosyo, at industriya ng aliwan.

Namukod-tangi si Revilla sa mga nominado dahil sa kanyang makabagong pamumuno, malikhaing paggawa ng polisiya, at matatag na pagkalinga sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.

Kabilang din siya sa Top 10 Outstanding Senators ng Gawad Pilipino Awards. Ang parangal na ito ay tumutukoy sa kanyang mga nagawa bilang isang mambabatas, kabilang ang pagiging pangunahing may-akda ng mga batas tulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act” (RA 11997), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), Pagpapalawak ng Saklaw ng Centenarians Act (RA 11982), at “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909), bukod sa iba pa. Ipinahayag ni Revilla ang kanyang pasasalamat sa mga nagbibigay-parangal at sa sambayanang Pilipino na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa bayan.

“Nagpapasalamat tayo sa mga pagkilala na iginawad sa atin bilang isang lingkod-bayan. These recognitions are not just for me but for every Filipino who dreams of a better future. Ang makapag-lingkod sa bayan bilang ay isang pribilehiyo kaya inaalay ko ang lahat ng ito para sa mga kababayan kong patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa akin para magsikap lalo sa trabaho natin,” pahayag ng beteranong mambabatas.

Ang mga parangal na natanggap ng senador ay nagbigay-diin sa kanyang malakas na adbokasiya para sa edukasyon, serbisyong pangkalusugan, katarungang panlipunan, at pagpuksa sa kahirapan. Kilala sa kanyang slogan na “Aksyon sa Tunay na Buhay,” si Revilla ay patuloy na nagsusulong ng mga inisyatibo na tumutugon sa tunay at agarang pangangailangan ng sambayanang Pilipino.

“Ang mga karangalan na ito ay patunay na hindi lang tayo basta nagbutas ng upuan at nagpapogi sa Senado. We really did some hard work and now we are reaping the fruits of our dedicated effort to champion the welfare of the people,” pagtatapos niya. -30-

Edward Sodoy