REVILLA: WAG NATIN IWAN SA ERE ANG MGA EMPLEYADO NG OMB

NOBYEMBRE 13, 2024 -- Ipinahayag ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. na dapat agarang tugunan ng gobyerno ang kasalukuyang problema ng mga kawani ng Optical Media Board (OMB) sa kawalan ng mamumuno sa kanilang ahensya.

Nadiskubre kasi sa budget hearing sa Senado kahapon na walang lumalagda ngayon sa mga vouchers para sa sweldo, benepisyo at iba pang dokumento ng mga empleyado ng OMB matapos magbitiw bilang OIC-CEO si James Ronald Macasero na naghain ng kandidatura para sa darating na eleksyon.

Dahil dito, nanganganib na walang su-swelduhin ang mga empleyado ng OMB ngayong Disyembre kung kailan nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko.

Bukod dito, may panukala na rin aniya ang mga kasamahang senador ni Revilla na tuluyan nang buwagin ang OMB dahil wala na umanong function ang ahensya dahil wala nang namimirata ng mga pelikula ngayong online streaming na ang uso.

Sinabi ni Revilla na siyang dating chairman ng Videogram Regulatory Board na naging OMB, at ngayon at chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, na nakikisimpatya siya sa mga kawani ng pamahalaan na maaaring mawalan ng trabaho sakaling matuloy ang panukalang pagbuwag sa OMB. Ayon sa mambabatas, dapat kumilos ang gobyerno para mailipat sila sa ibang tanggapan.

“Ang hirap din ng sitwasyon ng mga empleyado ng OMB dahil sa pagkawala ng namumuno sa kanila na nagbibigay ng direksyon. Nandiyan rin ang pangamba na tuluyan nang buwagin ang kanilang ahensya. Ang sakin lang, kung talagang aabot man don ay hindi dapat pabayaan ang mga empleyado. Dapat silang i-retool at bigyan ng training para mailipat sa ibang ahensya ng pamahalaan. Wag lang natin sila iwan sa ere," pahayag ni Revilla. -30-

Edward Sodoy