REVILLA BINALIKANG MULI ANG MGA KABABAYAN SA DASMA
(NOBYEMBRE 8, 2024) — Nitong araw ng Biyernes ay nagtungo ang Kabitenyong senador na si Ramon Bong Revilla, Jr. sa Dasmariñas City para kumustahin ang kanyang mga kababayan doon.
Sa pagtitipon na dinaluhan ng libo-libong tao, inalam ni Revilla kung kumusta na ba ang lungsod ng Dasmariñas at sumangguni sa kanyang mga babayan doon kung paano pa mas makakatulong sa kanila.
Di naman naiwasan ni Revilla na habang kasama si Dasmariñas Mayor Jenny Barzaga ay magbalik-tanaw sa samahan nila ng kanyang namayapang matalik na kaibigan na si Cong. Pidi Barzaga.
Ayon kay Revilla, napakalalim ng pinagsamahan nila ni Cong. Pidi Barzaga at magkasama silang nagsulong ng mga proyektong nagpaunlad sa nasabing lungsod.
“Lagi ko nga pong nababanggit tuwing ako ay nabibisita dito sa Dasma, kami po nina Cong. Pidi ay malayo, mahaba, at malalim na ang pinagsamahan. Sa totoo lang po, di lang po kami magkaibigan sa pulitika, kundi talagang tunay na magkakaibigan bago pa ang pulitika,” pahayag ni Revilla.
“Kaming dalawa rin ang naging magkasangga at magkasama sa adhikain noon na maging lungsod ang Dasmariñas. At tingnan niyo naman, ang inyong bayan ay isa na sa mga mayayabong na lungsod sa ating probinsya. Magkasama rin kaming nagtulungan para maitayo ang Dasmariñas Sports Complex,” dagdag niya.
Pinangunahan rin ni Revilla ang pamamahagi ng tulong sa kanyang mga kababayan doon. Binanggit niya na sana ay maging daan ito upang makatulong sa pangangailangan ng kanyang mga kababayan.
Samantala, nagpahatid rin si Revilla ng tulong sa mga kababayan niya sa lalawigan ng Oriental Mindoro kung saan pinapunta niya ang kanyang maybahay na si Cong. Lani Mercado-Revilla bilang kanyang kinatawan. Kasama ni Gov. Bonz Dolor ay sama-sama at tulong-tulong sila sa pamamahagi ng konting pag-agapay sa mga taga-Oriental Mindoro. -30-