NTF DAPAT KUMILOS NA AGAD LABAN SA BAGONG UK STRAIN PARA HINDI NA MAKAPASOK SA ATING BANSA--REVILLA

asdf.jpg

INUSISA ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang National Task Force (NTF) on COVID-19 kung ano ang isinasagawa nitong paghahanda para sa bansa upang hindi makapasok sa Pilipinas ang bagong strain ng SARS-CoV-2 virus na nadiskubre sa United Kingdom (UK) na naging dahilan nang pagsasara at patuloy pang pagsasara ng mga borders ng iba’t-ibang bansa sa mga bumibiyahe mula roon.

Ayon sa ulat, ang bagong strain ay tinawag ng mga dalubhasa na B.1.1.7,  ay may mahigit 20 mutations mula sa kasalukuyang strain ng virus at pinaniniwalaang mas nakakahawa, at mas mabilis kumalat sa mas mataas na antas.

Habang wala pang inidikasyon ng kahit anong epekto ng mutations sa kasalukuyang nadiskubreng bakuna ay ipinagbawal na ng mga bansang Ireland, Germany, France, Italy, Austria, Turkey, Switzerland, the Netherlands, Belgium, at Canada ang kahit sinong papasok na magmumula sa Britanya.

Nakumpirma rin na ang bagong strain ay umabot na sa Asia-Pacific, base sa pahayag ng Australia noong nakaraang Lunes na nakapag-ulat ng mga kaso na ng bagong UK strain na napakabilis kumalat.

"Kailangang mabilis na kumilos ang NTF, dapat magpalabas na agad ng mga panuntunan kung ano ang mga dapat gawin para hindi na makapasok sa ating teritoryo ang bago strain na ito” pahayag ni Revilla.

Ayon pa kay Revilla, napakalaking dagok na umano ng COVID-19, at kung kailan nakakakita na tayo ng liwanag ay baka panibagong problema na naman ang ating kaharapin. Hindi na umano katanggap-tanggap kung ang NTF ay walang gagawin at hahayaan na lamang kumalat sa ating mga kababayan ang bagong strain na ito.

“Hindi dapat magpatumpik-tumpik. Huwag namang umabot pa na makapasok ang bagong strain,” pagwawakas pa ni Revilla.

-30-

Edward Sodoy