KUNG MAY PARUSA LANG NA BITAY

viber_image_2020-06-04_16-46-49.jpg

"KUNG MAY PARUSA LANG NA BITAY" - Ito ang gigil na gigil na reaksiyon ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ukol kay PSMS Jonel Montales Nuezca na pumatay sa mag-inang sina Sonya Gregorio, 52, at Frank Anthony Gregorio, 25, sa Paniqui, Tarlac.

Ayon sa Senador, walang puwang hindi lamang sa organisasyon ng pulisya ang ganitong mga tao, kundi pati rin sa isang sibilisadong lipunan. Aniya, hindi sapat na tanggalin ito sa serbisyo, kundi parusahan ng sagad sa ilalim ng batas. "This is one compelling case for the reinstitution of the death penalty," ani Revilla.

Pinuna rin ng Senador ang mga kabaro ni Nuezca na tila ipinagtanggol pa sa kani-kanilang social media ang karumal-dumal na ginawa nito. "Pati itong mga pulis na nagtanggol pa kay Nuezca, na isa-isa rin namang nagbura ng kanilang mga post matapos mapuna, dapat imbestigahan din ng PNP (Philippine National Police) at NAPOLCOM (National Police Commission)," giit ng Senador. "Dapat lahat ng 'yan i-evaluate ulit at ipa-neuro," dagdag nito.

Ipinaliwanag ni Revilla na walang maayos na tao ang gagawa ng ginawa ni Nuezca, anupaman ang dahilan. "Hindi ka tao kung magagawa mong pumatay ng ganun lang, at sa harap pa mismo ng iyong anak. Tapos lalakad lang kayo palayo na parang walang nangyari."

Samantala, pinagpapaliwanag ni Revilla ang pamunuan ng PNP kung paanong nanatili sa serbisyo itong si Nuezca sa kabila ng patong-patong na kaso nito at record ng pang-aabuso. Ayon sa kanya, baka lalo lang naging abusado ang pulis at lumaki ang ulo dahil tila nakukunsinte at hindi ito napaparusahan.

"The PNP should review its standards. Hindi dapat hinahayaan ang mga bulok sa organisasyon dahil nadadamay lahat. Kung pababayaan nila ang mga bugok, makakahawa pa 'yan at ayan, nakikita na natin ang resulta," pagtatapos nito. -30-

Edward Sodoy