REVILLA HINIMOK ANG SENADO NA MAGSAGAWA NG INQUIRY UPANG MAIWASAN ANG LABIS NA PAGBAHA SA MGA BINABAGYONG LUGAR
NAGSUMITE ng resolusyon si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na humihimok sa karapat-dapat na komite sa Senado na magsagawa ng pagpupulong at pagbalangkas hinggil sa naganap na matinding pagbaha sa Luzon upang makabuo ng solusyon na hindi na ito muling maganap.
Sa loob ng tatlong linggo ay limang bagyo ang pumasok sa ating Philippine Area of Responsibility (PAR) na lubhang nanalasa sa mga mabababang lugar sa Luzon.
Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council’s (NDRRMC) ang Typhoon Ulysses lamang ay sinalanta ang may 1,755,224 katao na katumbas ng 428,657 pamilya sa 4,543 barangay sa mga apektadong lugar sa Regions I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, NCR, at CAR.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAG-ASA), ang mga bagyong pumasok sa PAR ang naging dahilan ng pagtaas sa critical water level ng Ipo, Ambuklao, Binga at Magat dam sa Luzon na naging dahilan para magpakawala ng tubig na isa sa itinuturong dahilan nang paglubog ng mabababang lugar malapit sa mga nabanggit na dam.
"Alam naman nating taun-taon dumarating ang mga pag-ulan at nakita na natin kung ano nangyari na hindi na dapat maulit, dapat handa tayo sa pagpapakawala ng mga dam ng tubig at may mga imprastraktura na dadaluyan ang tubig na sasalo sa bugso o pagragasa at hindi makadagdag perwisyo sa ating mga kababayan” paliwanag ni Revilla.
Naniniwala si Revilla na ang komprehensibong estratehiya at ang pagbuo ng kaukulang imprastraktura ay napapanahon upang agad na matugunan ang matinding epekto nang pananalasa ng nagdaang bagyong Rolly sa mga lugar ng Marikina, Rizal, Cagayan at iba pa.
Umaasa si Revilla na kung mababalangkas ng karampatang komite sa Senado at makapagbuo ng mga solusyon ay maiiwasan ang trahedyang ating naranasan tulad ng pagbaha sa mga darating na panahon.