100 PANUKALANG BATAS NAISUMITE NI SEN. BONG BAGO MAG-SONA
PINATUNAYAN ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na seryoso siya sa kaniyang mga ipinangako noong nakaraang kampanya nang magawa nitong paabutin sa 100 panukalang batas ang kaniyang naisumite ilang araw bago ang araw ng State Of The Nation Address (SONA).
Hindi nag-aaksaya ng panahon si Revilla at sa unang dalawang linggo nito sa kaniyang opisina ay ipinakita nitong kaya niyang doblehin ang kaniyang pagsisikap bago pa man dumating ang ika-apat na SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo 22 taong kasalukuyan.
Sa unang araw ni Revilla bilang Senador ay agad itong nagsumite ng 10 panukalang batas na nasundan agad ng panibagong sampu ilang araw lamang ang nagdaan matapos itong manumpa.
Noong nakaraang Lunes ay umabot na sa kabuuang 55 panukalang batas ang kaniyang naisumite na nasundan pa ng panibagong 5 panukalang batas na karaniwang naglalayong mabigyan ng benipisyo ang sambayanan at mapagaan ang takbo ng buhay.
Ang unang 100 bills na isinumite ni Revilla ay higit pa sa ipinangako nito noong nakaraang kampanya na gagawin niya ang lahat ng pagsisikap para tugunan ang hinaing ng ating mga kababayan.
Inaasahang madami pang panukalang batas ang nakatakdang isumite ni Revilla na kasalukuyan na nitong inihahanda habang hinihintay pa ang araw ng pagdinig na itinakda ng Senado.