Bong Revilla, pinagkaguluhan ng mga Kapampangan
San Fernando, Pampanga- Lubos na pinagkaguluhan ng libu-libong Kapampangan si Bong Revilla sa kanyang pakikilahok sa paglulunsad ng mga pambato sa senado ng Hugpong ng Pagbabago (HNP), Pebrero12.
Sa pagdating ni Revilla sa loob ng Provincial Capitol Auditorium, dumagundong sa sigawan at palakpakan ng madlang sumaksi sa nasabing rally.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Revilla ang mainit na pagtanggap sa kanya hindi lamang ng mga Kapampangan kundi maging ng kanyang mga kababayan sa lahat ng panig ng bansa na kanyang napuntahan at nabisita.
Higit sa lahat, tinukoy din ng dating senador kung paano siya “hindi nagpatumpik-tumpik” sa pagganap ng kanyang mandato kahit higit pa ito sa kanyang itinakdang tungkulin bilang isang mambabatas.
Sa ilalim ng dalawang termino ni Revilla sa Senado, naisabatas ang 230 sa kanyang panukalang batas. Nakapag-file din siya ng 614 bills, at 203 resolusyon.
Idinagdag pa ni Revilla na sa ilalim ng kanyang KAP program, nabigyan ng ayuda ang higit 1.2 milyon pasyente, 22 libong iskolar, at halos 5 milyong benepisaryo ng kanyang mga nagdaang relief operations.
Buong puwersa ang pamilya ni Revilla sa pagsuporta sa kanya sa nasabing rally sa pangunguna ni Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, Cavite Vice Governor Jolo Revilla at iba pa nilang mga supling at mga kamag-anak.