SAMA-SAMANG PAGPAPALAKAS SA BAGONG ALYANSA NG PFP-LAKAS; TIWALA SA MAGANDANG HAKBANG PATUNGO SA 2025 MIDTERM NA HALALAN

NAGPAHAYAG ng kagalakan si Senador Ramon Bong Revilla, Jr., Chairman ng Lakas-CMD, nitong Miyerkules (Mayo 8) hinggil sa pagpapalakas ng alyansa sa pagitan ng partido ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP) at Lakas-CMD.

Nagkaisa ang Lakas-CMD, na siyang pangunahing partido sa bansa, at ang PFP ngayong araw sa isang pagpupulong sa Makati City. Tinawag itong “Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas” na dinaluhan ng mga miyembro ng dalawang partido kasama sina Pangulong Marcos Jr., Lakas-CMD President House Speaker Martin Romualdez at PFP President Gov. Reynaldo Tamayo, Jr.

“Ako'y natutuwa. Sa pagkakaroon ng matibay na alyansang ito, mas mapapabilis ang pagkakamit ng mga layunin ng administrasyong ito tungo sa Bagong Pilipinas,” ani Revilla.

“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Bongbong Marcos sa pagkakaroon ng ganitong pagkakaisa. Ang alyansang ito ay patunay ng kanyang pagsisikap na pagsamahin ang mga Pilipino sa iba't ibang paniniwala upang magsama-sama sa pag-unlad at pag-sulong,” dagdag pa ng beteranong mambabatas.

Naniniwala din si Revilla na isang malaking hakbang ang alyansang ito sa pagtitiyak ng tagumpay ng mga kandidatong susuporta sa mga programa ng administrasyon sa midterm elections sa susunod na taon.

“Isang malaking hakbang ito patungo sa 2025 midterm elections. Ang layunin ay manalo ang mga opisyal mula sa nasyunal hanggang sa lokal na susuporta at tutulong sa pagpapatuloy ng mga magagandang plano at programa ng ating pangulo,” wika ng mambabatas. –

30-

Edward Sodoy