REVILLA IKINATUWA PAGKAKAARESTO SA SUSPEK  SA DLSU STUDENT KILLING

IKINATUWA ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. ang mabilis na pagkakaaresto noong Sabado kay Angelito Erlano, 39, ng Dasmariñas, Cavite sa umano’y ginawa nitong pagnanakaw at pagpaslang sa graduating computer student ng  De La Salle University (DLSU) ng lalawigang nabanggit.

Matatandaang ang biktima, si Queen Leanne Daguinsin, ay natagpuang nakahandusay sa loob ng kaniyang dormitoryo sa Barangay San Fe ng nasabi ring lugar noong nakaraang Marso 28 na nagtamo ng labing apat na tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng maaga niyang pagkamatay.

Kinilala ni Revilla, na naunang nagbigay ng P300,000 cash reward, ang Philippine National Police (PNP) at City government ng Dasmariñas sa mabilis nitong imbestigasyon at pagsakote sa suspek.

"Binibigyang pugay natin sina Provincial Director Col. Christopher Olazo at si Mayor Jenny Barzaga na halos hindi nagpahinga hanggang mahuli itong si Erlano na bagama’t masakit sa mga kaanak ang nangyari ay maiibsan na nito ang dinadala nilang bigat dahil may mananagot na sa krimen at naresolba na ang kaso” saad ni Revilla. Kasabay ring hinamon ng mambabatas ang pulisya na siguruhing hindi na mauulit ang katulad na krimen, "Habang mabilis nating nasakote ang gumawa ng karumal-dumal na krimeng ito, dapat tiyakin natin na hindi na ito mauulit pa."

Mariing kinondena ni Revilla ang pagpaslang. "'Yung mga ganito dapat binibitay na, nang hindi na mapamarisan," tugma sa kanyang posisyong ibalik ang parusang kamatayan para sa mga heinous na krimen. "Imagine ilang araw na lang at graduate na tapos nasayang lang ang kinabukasan ng biktima at pagsisikap ng mga magulang nito dahil lang sa walang kuwentang pangyayari,” dagdag pa nito.

Bukod sa ibinigay na P300,000 ni Revilla ay nagbigay din si Cavite fourth district Rep. Elpidio Barzaga Jr. at Dasmariñas Mayor Jennifer Barzaga ng P100,000 bawat isa habang ang city government ay nagbigay din ng P300,000, samantalang si Cavite Gov. Jonvic Remulla ay naghandog din P300,000, kaya umabot ng P1.1 milyon ang kabuuang reward.

-30-

Edward Sodoy