ONE STRIKE POLICY DAPAT NANG IPATUPAD SA MAY MATUTUMBANG PUBLIC OFFICIAL

HINIMOK ni Sen. Ramon Bong Revilla ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Philippine National Police (PNP) na agad magpatupad one-strike policy para sibakin ang hepe ng pulisya o sa buon istasyon ng pulisya kung saan may naganap na pag-atake ang mga armed group na sangkot sa pagpatay ng public official.

Ito ay matapos na personal na dinalaw ni Revilla ang burol ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo na ikinamatay ng walong tao at ikinasugat ng labingpito pa.

Nauna rito ay sinabi ni Revilla na nakakapangilabot, nakakagigil at nakakagalit nang magbigay ito ng pahayag sa Senado na tila lalo pang naglagablab ang galit na nararamdaman ng makita nito ang kalunus-lunos na sinapit ni Degamo.

“May one-strike policy naman ang PNP sa mga kaso ng illegal gambling tulad ng jueteng at video karera hanggang lewd shows, pati nga mga patupada, one-strike – automatic na relieved, pero dito sa mismong pag-atake sa ating demokrasya – ang pagpatay sa ating mga halal na opisyal, walang one-strike?,”

Idinagdag pa ng butihing Senador na ang sunud-sunod at harap-harapang pagpaslang ng mga armed group sa ilang elected official ay hindi lamang umano ordinaryong pagpatay dahil brutal itong paglapastangan sa ating demokrasya.

Ayon pa kay Revilla, bahagi rin ito ng paglilinis sa hanay ng PNP na ang iba ay naliligaw ng landas at kinakain na ng bulok na sistema na maging ang pagiging hired killer ay ginawa ng dagdag kabuhayan.

“Ang mga pagpaslang na ito… ang brutal na pagdanak ng dugo sa walang saysay na angas-angasan, ay direktang pambabalasubas sa umiiral na batas sa ating bayan, at isang malaking sampal sa ating demokrasiya, kaya kailangan na itong one-strike policy.” Pagwawakas pa ni Revilla.

-30-

Edward Sodoy