REVILLA ISINULONG ANG ‘KABALIKAT SA PAGTUTURO ACT’ SA SENADO
“Teaching is the one profession that creates other professions, kahit Pangulo ng bansa o pinakamagiting na Senador pa—lahat ay pinanday ang kaisipan at hinubog ang buong pagkatao ng ating mga guro”
Ito ang ilan sa katagang namutawi sa bibig ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. nang mag-sponsor ito sa Senado hinggil sa “Kabalikat sa Pagtuturo Act”, sa layuning isulong ang Teaching Supplies Allowance para sa mga guro.
Pinaalala din ni Revilla na ang naturang panukala ay lumusot na sa Senado sa ikatlong pagbasa sa 17th at 18th Congresses na walang tumambla at walang negatibong boto na inaasahang magiging ganap na batas na sa mga susunod na pagdinig.
Ang Kabalikat sa Pagtuturo Act ay unti-unting itinataas ang naturang allowance mula sa kasalukuyang P5,000 hanggang P10,000 sa loob ng tatlong taon. Bilang pag-iingat sa posibleng pagbabago ng presyo ng teaching supplies, ay nakapaloob sa naturang panukala ang automatic adjustment tuwing tatlong taon upang umakma sa mga gastusin.
Inihayag din ni Revilla na ang kasalukuyang alokasyon sa allowance sa ilalim ng General Appropriations Act ay PHP 4.8 Bilyon. Kaialangan lamang umanong maglaan ng pamahalaan ng karagdagang P2 Bilyon kapag ang halaga ay umabot na sa P7,500 at P4.5 Bilyon naman kapag umabot na sa P10,000 sa taong 2025.
“This is less than 1% of the total budget of DepEd. In this era of the trillions-peso budget, napakaliit lang po nito para ipagkait natin”, dagdag pa ni Revilla.
Sinabi pa ni Revilla na ang mga guro umano ay overworked at underpaid at ang kasalukuyang cash allowance ay Php 5,000 para sa buong taon na kung idi-divide sa 203 araw, ang kabuuang school days na idineklara ng DepEd para sa School Year 2022-2023 ay papatak na lamang itong Php 24 kada araw.
“The current cash allowance also includes a Php 500 allocation for medical examination, kung ibabawas pa natin yan sa pambili ng mga materyales at kagamitan sa pagtuturo ay papatak na lamang sa Php 22 pesos bawat araw. Nasa P68 ang isang kahon ng chalk, P120 ang isang ream ng bondpaper hindi pa kasali ang internet load” paliwanag ni Revilla.
Sa huli ay sinabi ni Revilla na ang napakaliit na suportang ito ay napakalaking tulong na sa bawat guro sa bansa lalo na sa mga nais manatili sa bansa na ayaw ipagpalit ang kanilang propesyon sa kaway ng dolyar sa ibang bansa.
-30-