SUPORTA SA PAGSASAKA TINIYAK NI REVILLA
TAOS-PUSONG pinakinggan ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang mga daing ng mga magsasaka sa bayan ng Rosales sa Pangasinan matapos silang puntahan at kitain ng mambabatas noong umaga ng Linggo (Pebrero 18).
Nakipagdayalogo ang beteranong senador sa mahigit 50 na farm leaders upang kumustahin ang kanilang lagay pati na ng iba pang mga magsasaka na kanilang nirerepresenta. Inalam ni Revilla kung anu-ano ang nararanasan ng mga nasabing magsasaka upang siya bilang lingkod-bayan ay makatugon sa kanilang pangangailangan.
Binigyang diin ng senador ang kahalagahan ng mga magsasaka at ang kanilang ginagampanang tungkulin sa lipunan.
“Lagi ko ngang nababanggit sa aking mga kasama, kung mayroong sektor na dapat bigyan natin ng walang patid na atensyon at pagkalinga, yon ay ang sektor ng ating mga magsasaka. Dahil kung walang mga magsasaka na magtatanim, mangingisda, mga taong gumagawa ng paraan para may makain ang lipunan, eh saan na lang ba tayo pupulutin,” ani ni Revilla.
“Baka bago pa natin maharap at masolusyonan ang ibang mga problema ng ating bansa eh wala na tayong lahat, dahil wala tayo makain,” dagdag niya.
Sinabi rin ng butihing senador na tiwala siya sa pamunuan ng Department of Agriculture lalo na’t binanggit ng nasabing departamento na marami pa silang ipapatupad na programa, katulad na lamang ng cash at fuel voucher program para sa mga magsasaka sa Pangasinan.
“Sa ilalim ng pamamahala ni Sec. Kiko Laurel ng Department of Agriculture, alam nating nasa mabuting kamay kayo. Ayon mismo sa DA, marami po silang nakahandang programa. Dito sa Pangasinan, may mga cash and fuel vouchers sila para sa ating mga magsasaka upang makatulong na pagyabungin nila ang kanilang hanapbuhay,” pagsasaad ng senador.
Binahagi rin niya na may mga hakbang na ginagawa ang nasabing ahensya ng gobyerno upang tugunan ang mga epekto ng kasalukuyang El Niño o tagtuyot sa mga pananim.
Hindi rin nakalimutan banggitin ni Revilla ang mga pinagsusumikapan niyang mga panukala sa Senado na maghahatid ng mga magagandang benepisyo para sa mga magsasakang Pilipino.
Una niyang nabanggit ang Senate Bill No. 23 o “Pantawid Magsasakang Pilipino Act” na naglalayon na bigyan ng direktang cash assistance ang mga magsasaka, lalo na yung mga mahihirap na rice farmers na apektado dahil sa pagluwag ng importasyon ng bigas.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Works, ipinaliwanag rin niya ang kanyang panukala na nagsusulong ng makatarungang alokasyon ng pondo ng gobyerno sa pagbubuo ng mga farm-to-market roads.
“Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang halaga ng pagkakaroon ng farm-to-market roads para maging mas madali at mura at pagdadala ng mga ani ng ating magsasaka sa mga pamilihan. Kaya sa ating panukala, bibigyan natin ng mas malaking porsyento ang mga munisipyo kaysa sa mga probinsya para bumuo ng ganitong klase ng mga daanan. Tiwala tayo na mas alam ng ating mga pamahalaang bayan ang pangangailangan ng kanilang mga pinaglilingkuran,” paliwanag ni Revilla.
Dagdag pa dito ang binanggit niyang panukala para gawing permanente ang programa ng gobyerno para bigyan ng subsidyo ang mga magsasaka para sa pagbili ng abono at pesticide.
“Ang sinusulong ni Sen. Bong Revilla, hindi bababa sa P6,000 kada ektarya taon-taon para sa abono sa lupa, at hindi bababa sa P2,000 kada ektarya taon-taon para sa pesticide,” ani niya.
Sa huli ay sinigurado ni Revilla na hindi siya titigil sa pagsulong ng kapakanan ng mga magsasaka sa Senado.
“Hindi po ako titigil hangga’t hindi ko nakikita na gumanda na ang buhay ng ating mga magsasaka. Lagi po akong nandito at kakampi niyo ako sa Senado. Kayo po ang ipaglalaban ko at kapakanan niyo po ang misyon ko,” pagtatapos ni Revilla. -30-