REVILLA KINONDENA ANG PAMAMARIL SA ADMU
KINONDENA ni Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang naganap na pamamaril sa loob ng Ateneo De Manila University (ADMU) na ikinasawi ng tatlo katao kabilang ang dating mayor ng Basilan noong Linggo (Hulyo 24) sa Quezon City.
Ang mga nasawi ay nakilalang si Ex-mayor Rose Furigay, ang kaniyang aide na si Victor George Capistrano at ang security guard ng ADMU na si Jeneven Bandiola na nagtamo ng tama ng baril na naging sanhi ng maaga nilang kamatayan.
Isinugod naman sa pagamutan ang anak ni Furigay na si Hannah na nakatakda sanang magtapos sa Ateneo Law School ngunit tinamaan din sa pamamaril at hindi pa matiyak ang tunay niyang kalagayan.
Nasakote naman ang suspek na nakilalang si Dr.Chao Tiao Yumol, 38, ng Lamitan City sa kahabaan ng Aurora Blvd. ng siyudad ding nabanggit matapos ang ilang sandaling habulan nang mag-agaw ng isang nakaparadang sasakyan sa ADMU ang salarin.
Narekober sa pag-iingat ng salarin ang kalibre .45 baril na may silencer na pinaniniwalaang ginamit nito sa pamamaril at kasalukuyan itong nakaditine sa Central Police District detention cell at matagal na alitan umano ang motibo ng pamamaril. Nabatid na bandang alas 4 ng hapon ay nakatakda sanang dumalo ng graduation ang dating mayor ng kaniyang anak na si Hannah nang bigla na lamang umanong namutok ang salarin na naging sanhi rin ng pagkakansela ng naturang graduation.
"We condemn this shooting incident in the highest possible sense. Nakakalungkot po na ang masaya sanang pagtatapos ng mga estudyante mula sa Ateneo Law School ay nauwi sa masaklap na insidenteng ito. What should have been a momentous day to celebrate successfully surviving the rigorous process of the study of law has been destroyed by a senseless act of violence" saad ni Revilla.
Samantala, binigyang papuri ni Revilla ang elemento ng Philippine National Police (PNP) na mabilis na kumilos para agad na masakote ang salarin kasabay ng pagpapaabot ng pakikiramay sa mga kaanak at kaibigan ng mga nasawi na sina Ex-mayor Furigay, Capistrano at Bandiola.
"Violence like this should have no place in society. This cannot be the kind of world we will raise our children in. Marapat lamang na bigyang hustisya ang naganap na krimen na ito at panagutin ang mga may sala. Higit pa riyan, kailangang siguraduhin na hindi na muli dadanak ang dugo nang dahil sa galit at poot" dalamhati pa ni Revilla.