REVILLA, ISINULONG NA MAGING 56 ANYOS NA LAMANG ANG SENIOR CITIZEN AT MAY KARAGDAGAN PANG BENEPISYO

NAGSUMITE ng panukalang batas si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. na naglalayong maibaba ang edad mula 60 anyos ang isang senior citizen na maging 56 anyos na lamang para maaga at mahaba-haba pang pakinabangan ang mga banepisyo.

“Simula’t sapul, ang hangarin ko bilang halal na lingkod-bayan ay matulungan at mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino, lalo na ang mga kabilang sa sektor na madalas ay naisasantabi na lamang. Isa na dito ang ating mga lolo at lola. Silang mga buong buhay na nagsumikap, nagtrabaho para sa kanilang pamilya at nag-aambag sa paglago ng ekonomiya” saad ni Revilla.

Ang Senate Bill No. 1573 ay layong amyendahan ang Republic Act No. 7432 na nagpapatibay na ang senior citizen na naninirahan sa kahit saang bahagi ng bansa ay dapat na 60 anyos—na kung maisasabatas, lahat ng residenteng Pinoy na 56 anyos ay ikukonsidera ng senior citizen at maaari nang makinabang sa umiiral na benepisyo.

“Nararapat lamang na ibaba natin ang edad para maging senior citizen ang ating mga nakakatandang kababayan. Sa panahon ngayon, lalo na at nagkapandemya, madami ang hindi pinalad umabot sa edad na sesenta. Sabi nga e, aanhin pa ang damo kung wala na ang kabayo. Kaya habang may oras pa eh bigyan natin sila ng halaga sa pamamagitan ng maagang benepisyo na kanila pang pakikinabangan. Tandaan natin na ang mga kamay nila ang humubog kung ano man ang magandang tinatamasa natin ngayon,” paliwanag pa ni Revilla.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong Disyembre 2022, 7.33% ng kaso ng COVID-19 sa bansa ay pawang mga senior citizen na humantong sa kamatayan kumpara sa 0.76% na ang edad ay 18 anyos hanggang 59 anyos.

Sa ilalim ng umiiral na batas, ang senior citizen ay nakikinabang na sa mga sumusunod: 20% discount at VAT-exemption sa gamot, medical supplies at equipment, transportation fares kabilang na ang land at domestic air at sea travel fares, hotels, restaurants, recreation centers at iba pang lugar tulad ng sinehan; income tax exemption for minimum wage earners; minimum ng 5% discount sa monthly water at electricity bills; exemption sa training fees para sa socioeconomic programs; free medical, dental, diagnostic, at laboratory services sa lahat ng pasilidad ng pamahalaan; provision ng express lanes sa lahat ng commercial at government establishments; at death benefit assistance.

Upang matiyak umano na ang nakatatanda ay mapagkakalooban ng nararapat na benepisyo, Nagsumite rin si Revilla ng Senate Bill No. 1558 na naglalayong obligahin ang mga establisemento na magtalaga ng upuan para sa mga senior citizen, nakapaloob din sa naturang panukala na bukod sa establisemento ay kabilang din ang mga restaurants, libraries, recreational centers, at venue halls na dapat ay may nakahandang upuan at lamesa sa mga senior citizen.

-30-

Edward Sodoy