Revilla sinuportahan si Estrada hinggil sa pagtatanggol sa pelikulang Pilipino:
NAGPAHAYAG ng suporta si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. kay Sen. Jinggoy Estrada hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng industriya ng pelikulang Pilipino dahil sa hindi mapigilang pagpapalabas ng mga pelikulang dayuhan sa ating bansa.
Sinabi ni Revilla na panahon na para pagtulung-tulungan maiahon ang industriya ng pelikulang Pilipino na pinadapa ng pandemya sa mahigit dalawang taon at ngayon ay malaking epekto pa ang paglaganap ng dayuhang pelikula.
“Suportado ko ang pahayag ni Sen. Estrada dahil ramdam ko bilang artista ang kaniyang pagmamalasakit na muling buhayin ang pelikulang Pilipino at malaking-malaki ang tsansa nating magawa ito” saad ni Revilla.
Ipinaliwanag pa ni Revilla, na wala umanong Sen. Revilla, Sen. Estrada, Sen. Robinhood Padilla, Sen. Lito lapid at Sen. Grace Poe kung wala ang pelikulang Pilipino na minsan ay pinasigla ang showbiz industry.