REVILLA, SUMAKLOLO AGAD SA MGA BIKTIMA NG BAGYONG PAENG

PAGHUPANG-PAGHUPA ng ulan ay umaksiyon agad kahapon ng umaga si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. at personal na sinaklolohan ang kaniyang mga kababayan kasama ang kaniyang staff na namahagi ng Family Food Packs at relief packs sa ilang bayan sa Cavite.

Nabatid na habang bumabayo ng ulan at hangin ang Bagyong Paeng noong Sabado ay abala na si Revilla at ang kaniyang mga tauhan sa pagbabasta ng libu-libong Family Packs at relief packs na sadyang ipamamahagi pagtila ng bagyo.

Kahapon maaga pa lamang ay agad silang namahagi ng tulong sa mga taga-Kawit , Cavite at napakarami ng mga sinalanta ang nag-aabang sa kanilang municipal hall at lahat ay personal na binigyan ni Revilla ng Family Food Packs at relief packs.

Bandang alas 12 ng tanghali ay nagtungo naman ang grupo ni Revilla sa Noveleta, Cavite dahil napakarami ng mga pamilyang nasa covered court na nagsilbing evacuation center at lahat ay binigyan din ng Family Food Packs at relief packs para may pantawid-gutom habang inaayos ang kani-kanilang mga tahanan.

Alas 2:30 ng hapon ay nagtungo naman ang Revilla Team sa Tanza, kasunod ay sa Bacoor City kung saan doon na sila inabot ng dilim sa pamamahagi ng Family Food Packs at relief packs sa mga grabeng nasalanta ng bagyo.

“Sa mga kababayan ko, karamay n’yo ako sa inyong pinagdaraanan at asahan ninyong isa sa mga araw na ito ay sisikapin kong makarating sa iba pang mga nasalantang lugar na sana lahat ay personal kong mapuntahan, sadyang inuna ko lamang ang ilang bayan sa Cavite kahit masama pa rin ang panahon at may banta pa ng bagyo dahil malapit lamang” saad ni Revilla.

-30-

Edward Sodoy