Panibagong panawagan laban sa mga motorcycle barrier

asdf.jpg

Ang mali ay mali. Huwag nang panindigan para lang huwag masabing nagkamali.

Ang pagpupumilit na paglalagay ng napatunayan nang peligrosong barrier sa mga motor ay patuloy nating kakalampagin hanggang hindi nila itinitigil.

Lalo nang dumarami ang naaaksidente at wala namang anumang patunay o ebidensiya na nakakatulong ito laban sa pagkalat ng COVID. Ang katotohanan, mas may ebidensiya pa nga na sa halip na huwag bumabad ang mga droplets sa mga sakay ng motor, ay lalo lang itong bumababad sa magkaangkas dahil sa barrier na 'yan.

Kahapon nag-umpisa nang manghuli ang mga awtoridad sa pangunguna ng JTF COVID SHIELD ng mga magkaangkas sa motor na walang regulation barrier. Maging ang mga magkaangkas na gumawa ng kani-kanilang barrier abot sa kanilang kakayahang gumastos ay pinaghuhuli dahil ayon sa mga nanghuhuli, dalawang klase ang aprubado, iyong gawa sa bakal na frame na may nakakabit na barrier, at 'yung acrylic barrier na ginawang backpack.

Dagdag gastos lang ito sa nagkukumahog nating mga kababayan, at pwede pang maging mitsa ng kanilang buhay.

Uulitin ko. Sapat na kung ang magkaangkas na umuuwi naman sa iisang bahay na magsuot ng facemask, full-face helmet at gloves. Mas tiyak yan kaysa sa barrier, at pasado yan sa safety standards at engineering.

odyler villamor