REVILLA nanawagan sa DOH, IATF na dapat mamigay ng facemask at face shields

viber_image_2020-08-02_11-32-13.jpg

HABANG patuloy ang pamahalaan sa pagbalangkas kung ang Metro Manila ay isasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay nanawagan si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. sa Department of Health (DOH) at sa Inter-Agency Task Force (IATF) na mamahagi ng libreng face masks and face shields para mapanatiling protektado ang publiko sa banta ng COVID-19.

Ito matapos ang panawagan ng medical community sa bansa na ang Metro Manila ay isailalim sa ECQ upang muli ay maibsan ang pagdagsa ng mga pasyente sa pampubliko at pribadong pagamutan, at ang pagkakaantala umano ng naturang quarantine measures ay maaaring magdulot nang pagbagsak ng pambansang health system.

Ipinunto ng health sector na ang pagkakahawa-hawa sa COVID-19 ay patuloy na tumataas dahil sa pagdagsa ng mga tao sa kalye na humahalo sa mga taong positibo at nasa mga pampublikong lugar.

Ayon kay Revilla, habang patuloy ang pamahalaan sa pagtimbang sa pagitan ng muling pagpapatupad ng ECQ at pagsalba sa lokal na ekonomiya ay makabubuting unahin muna ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

"Marami sa ating mga kababayan ang nanggigitata na ang face mask pero ginagamit pa rin dahil sa kawalan ng pambili, kaya para makasiguro tayo na hindi tayo magkahawa-hawa ay ang gobyerno na mismo ang mamahagi ng face mask at face shield," ayon kay Revilla.

Binigyang diin pa ni Revilla na maaaring pwedeng ibagsak ng national government ang mga face mask at face shield sa mga Local Government Unit (LGU) para mas mapadali ang distribusyon nito. Ayos pa sa kanya, kaakibat ito ng pagtugis sa ating mga kababayan na hindi na nagsusuot ng facemask o face shield araw-araw dahil wal nang maidadahilan ang mga mahuhuling walang suot.

Ang kaso ng COVID-19 sa bansa ay halos nasa 100,000 na, na nadagdagan ng mahigit 4,000 kaso noong Hulyo 31, at nadagdagan pa ng haloe 5,000 noong Agosto 1.

Edward Sodoy