WALA NG SHIPPING FEES ANG EMERGENCY RELIEF GOODS—REVILLA
Nagsumite ng panukalang batas si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. na mag-aalis sa shipping fees ng transport service providers upang matiyak ang sapat at mabilis na paghahatid ng relief goods sa mga nasalantang lugar sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Isinumite ni Revilla ang Senate Bill No. 1560, o ang Relief Goods Free Transportation Act, na naglalayong makapagbigay ng libreng freight services ng relief goods sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity ng Pangulo o ng local government unit (LGU).
“Mas madalas kesa hindi na ang pagbibiyahe ng mga relief goods sa kabila ng humanitarian reasons ay dumaranas ng malaking gastusin, lalo pa at may mga tawid-dagat at mga kabundukan sa ating bansa na nakakadagdag pahirap sa pagbibiyahe ng mga relief goods” ani Revilla.
Idinagdag pa nito na ang pamamahagi ng relief assistance sa komunidad na apektado ng kalamidad ay ginagampanan ng pribadong indibidwal, kumpanya at non-government organizations sa mga relief operations.
“Sa gitna ng ganitong sitwasyon, marami sa ating mga kababayan ang apektado at imposibleng masiguro na ang sapat na relief assistance ay maibibigay sa ating mga kababayang grabeng naapektuhan ng kalamidad at hindi naman tayo nag-iisa sa ganitong pagsusumikap” paliwanag pa ni Revilla.
Sa ilalim ng batas, ang Office of the Civil Defense (OCD), sa pakikipagtulungan ng Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders at iba pang kumpanya na naghahandog ng logistic services sa bansa ay inaatasang maghatid ng relief goods ng walang bayad.
Ang mga common carriers, freight forwarders at iba pang kahalintulad na kumpanya ay inaatasang maghatid ng goods and services ng libre sa mga lugar ng kanilang operasypon.
Sakaling mga lugar ay hindi kayang marating, ang relief goods ay ipapadala o ihahatid sa pinakamalapit ng LGU at makipag-ugnayan sa pamahalang lokal o sa mismong chief executive.
Ang shipping auxiliary cost, tulad ng arrastre services, pilotage, at iba pang port charges na karaniwang ipinapasa sa parokyano ay aasikasuhin na sa concerned arrastre, pilotage, at port authorities.
Magkagayunman, ang container van costs, abala at volume ng cargo na dapat ay libre ang freight charges ay ikokunsidera upang maibsan ang pagkatalo sa kita ng mga probadong sektor. -30-