STATEMENT OF SENATOR RAMON BONG REVILLA, JR. IN SUPPORT OF DIALYSIS AND CANCER PATIENTS AMID COVID-19 PANDEMIC IN THE PHILIPPINES

viber_image_2020-05-04_17-31-25.jpg

“Hindi po madali ang pinagdaraanan ng ating bansa. Habang tumatagal ang giyera natin laban sa COVID-19, palaki ng palaki ang nawawala sa ating ekonomiya. Higit sa lahat, nalalagay sa alanganin ang buhay at kaligtasan ng marami sa ating mga kababayan.

We all know that cancer and kidney diseases remain leading causes of death in our country. Tulad ng COVID-19 patients, tumatakbo din ang oras para sa cancer at kidney patients kaya hindi maaaring maudlot ang kanilang chemotherapy at dialysis sessions pati ang medical protocol na kailangan nilang sundin.

Nakalulungkot pong isipin na lalong naging kalbaryo ang pagpapagamot ng cancer at kidney patients mula ng ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ). Ayon sa ilang ulat na ating natanggap, may cancer patients na kinailangang maglakad ng ilang oras para lamang makarating sa ospital. Ang iba namang idineklara nang cancer-free, muling nag-develop ng cancer cells dahil nalaktawan ang chemo sessions. Habang ang ilan, ayaw magtungo sa mga ospital sa takot na mahawa sila ng COVID-19 na mas magpapalala sa kanilang sakit.

Nananawagan po ako sa lahat ng pagamutan sa bansa na sumunod sa DOH Department Circular No. 2020-0162 (March 27, 2020) na nagtatakda sa pagpapatuloy ng Dialysis Services, kabilang na ang Hemodialysis at Peritoneal Dialysis, sa ating Dialysis Centers sa buong bansa. Hindi ninyo maaaring ipagpaliban o tanggihan ang dialysis patients na nangangailangan ng agarang gamutan.

Nais ko pong himukin ang DOH at DILG na magpatupad ng bagong guidelines upang mas mabilis na makalusot sa mga checkpoint ang ating cancer at dialysis patients, maging ang distributors na nagrereklamo dahil nahihirapan silang magbagsak ng cancer drugs sa mga iba’t ibang pagamutan.

Sa ating LGUs at maging sa pribadong sektor, ipagpatuloy po natin ang pagtutulungan upang mabigyan ng libreng sakay ang ating mga cancer at kidney patients, lalo na ang mga nasa probinsya na kailangang mailuwas sa Maynila. Napakalaking ginhawa po nito sa kanila.

Sa ating cancer patients, nananatiling bukas ang PGH Cancer Institute para sa inyo. Tiniyak po ng pamunuan ng PGH na masusi ang disinfection ng kanilang mga pasilidad upang matiyak na hindi kayo mae-expose at maihahalubilo sa COVID-19 patients. Kung naghahanap kayo ng alternatibong pagamutan, pansamantalang binuksan ang Healthway Medical sa Greenbelt 5, Makati City bilang Chemotherapy Infusion Center. Dito ninyo maaaring ituloy ang pagpapagamot sa inyong oncologist.

Tandaan po natin na doble ang pasang krus ng mga cancer at kidney patients sa peligrosong panahong ito. Halos 75% sa kanila ang nangangailangan ng tulong pinansyal dahil nawalan ng hanapbuhay ang kanilang mga kaanak bunsod ng lockdown. Let us make sure that they not only get the treatment they need, they must follow their respective medical protocols on time. Sa peligrosong panahong ito, tibayan natin ang ating loob upang mabigyan sila ng lakas, inspirasyon at bagong pag-asa upang lumaban.”

Edward Sodoy