STATEMENT OF SENATOR RAMON BONG REVILLA, JR. RE: PHILHEATH PREMIUM INCREASE FOR OVERSEAS FILIPINO WORKERS (OFW)
“Nananawagan po ako para sa pansamantalang pagtigil ng koleksyon karagdagang PhilHealth Premium sa Overseas Filipino Workers (OFWs) dahil sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic sa buong daigdig.
“Marami sa mga OFW ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pagsasara ng maraming industriya bunsod ng ipinatutupad na lockdown sa ibayong dagat. Ilan sa kanila, hindi makauwi at umaasa lamang sa ayudang naibibigay ng pamahalaan.
“Ang iba namang OFW na patuloy na nakapagtatrabaho, doble o triple pa sa regular na remittance ang ipinadadala sa kanilang pamilya bilang pantustos sa kanilang pangunahing pangangailangan at lumolobong bayarin.
“Alinsunod po sa batas ang Universal Health Care (UHC) Act na nagtatakda ng pagtataas ng Premium para sa OFW contributors. Kailangan po ito para mas maiangat natin ang kalidad ng Health Care System upang matugunan ang pangangailangang medikal ng ating OFWs pati na rin ng kanilang mga mahal sa buhay. Marami sa kanila ang umuuwing may malubhang karamdaman. Minsan pati mga naipundar nilang ari-arian sa loob ng maraming taon, napupunta lamang sa pagpapagamot at pagpapaospital. Kung bawian ng buhay ang OFW, maiiwan ang kanyang pamilya na halos walang-wala. Ito ang masaklap na katotohanang nais nating baguhin kaya patuloy nating isinasaayos ang ating National Health Insurance Program.
“We are living in extraordinary times. Government should hold in abeyance the collection of the additional premiums pending its review.