Bong Revilla, maigting na isusulong ang Family and Medical Leave Act
Upang mabigyan ng pagkakataon ang mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor na personal na alagaan ang kanilang kaanak na may karamdaman, isusulong ni Bong Revilla ang Family and Medical Leave Act kung muli siyang papalaring mahalal sa senado.
Sa ilalim ng nasabing bill, bawat kawani na kasalukuyang naninilbihan sa tanggapan ng pamahalaan o pribadong kumpanya ay mabibigyan ng 15 araw upang kalingain ang sinuman sa kanyang immediate family, kabilang ang kanyang ama at ina, anak, asawa, at biyenan.
Tulad ng ibang leave privileges, ang Family and Medical Leave Act ay may kaakibat na paid leave.
Ayon kay Revilla, sadyang napapanahon na isulong ang Family and Medical Leave Act dahil hindi lamang ito naglalayong alisin ang bigat ng alalahanin sa mga empleyado, makatutulong din ang paid leave sa mga gastusing pang-konsultasyon at medisina.
Alinsunod sa Philippine Labor Code, obligado ang lahat ng pampubliko at pribadong tanggapan na magbigay ng limang (5) araw na service incentive leave sa mga empleyadong nakapaglingkod na ng isang (1) taon; animnapung (60) araw na maternity leave para sa normal na panganganak at pitumpu’t-walong (78) araw para sa ceasarian delivery ng empleyado mula sa pribadong sektor; pitong (7) araw na paternity leave; pitong (7) araw na solo parents leave; sampung (10) araw na leave para sa mga biktima ng karahasan; at isandaan at dalawampung (120) araw na special leave para sa kababaihan na naglingkod ng 6 na buwan matapos sumailalim sa gynecological surgery.